Inisip ko na baka may isang nanloloko lamang kay Gina kaya nagkaroon ng laman ang cell phone niya. Pero imposible. Kung manloloko paano malalaman sa dis-oras ng gabing iyon na kami lamang mag-ina ang magkaharap at nag-uusap. Kahit na bali-baligtarin ko ang lahat ay hindi puwede. Kahit sino pang henyo na may kinalaman sa makabagong teknolohiya ay walang makapaglalagay ng card sa cellphone sa oras at sandaling iyon.
Gayunman ang pangyayaring nagkaroon ng laman ang cell phone ay hindi na nasundan.
Marami pang pagti-text na ginawa ang mga duwende. Gaya ng aking nabanggit sa mga unang labas ng pagtatapat na ito, ilang ulit naming sinubukan ni Gina na pagtabihin ang aming mga cell phones upang matiyak na walang nanloloko sa amin. Walang ipinagbago. Nakatatanggap ako ng text na ang ginamit ay ang cellphone ni Gina kahit na nakatago ito sa kanyang bag. Makikita ko ang number ng phone ni Gina roon. Madalas nilang akong tawaging "mother".
Minsan isang umaga ng Linggo ay nagpaalam si Gina na dadalo sa birhday party ng isang kaklase niya sa Pasig. Ayaw kong payagan. Malayo ang lugar. Isa pa ay galing siya sa sakit. Paano kung mabinat siya. Noon ay magtatapos na ang January 2001. Hindi pa rin regular ang kanyang pagpasok sa school.
"Sige na Mommy, tawag nang tawag ang kaklase ko," sumamo ni Gina.
"Ayoko. Baka ka gabihin doon."
"E di kinabukasan na ako uuwi."
"Hindi puwede," matigas kong sabi.
Noon may nag-text sa akin. Nakalagay sa text: "Payagan mo na siya Mother. Isinauli ko na naman ang mga gamit niya di ba?"
Galing kay Briana ang text. (Itutuloy)