At isa sa mga nagpagimbal sa akin ay nang sabihin sa text na ang lakas ni Prinsesa Aryana ay kinukuha sa aking anak na si Gina. Bakit sa kanya? Hindi ako sinagot. Naisip ko, kaya siguro gustung-gusto nilang maging kaibigan si Gina ay dahil nakikita nilang masigla itong tinedyer at bibo.
Dahil din sa pagti-text kaya ko nadiskubre ang isang iniingatang lihim ni Gina. Noon ko lamang napansin na nagdadalaga na nga ito. Maganda ang aking anak at dahil sa abala ako sa pagtuturo hindi sumilid sa aking isipan na maaaring mayroon na itong manliligaw.
Akalain ko bang sa duwende pang si Briana ko malalaman na may nanliligaw pa pala sa aking anak. Ibinisto ito ni Briana.
"May nanliligaw sa kanya Brian ang pangalan," nakalagay sa text.
Tinanong ko ang aking anak kung may katotohanan ang nakalagay sa text. Hindi agad nakahuma si Gina. Saka ay nasabi na parang wala sa loob: "Nagbibiro lamang ang duwendeng iyan!"
Akalain ba namang sasagutin ito sa pamamagitan ng text nang sandali ring iyon.
"Hindi ako nagbibiro. Nanliligaw sa iyo si Brian. Mabait naman siya."
Saka ay ipinagtapat ni Gina na nanliligaw nga sa kanya ang kaklaseng si Brian. Kakatwa na ang pangalan pa ng lalaki ay katunog ng Briana.
Ang isang hindi ko pa ring malilimutang pangyayari ay ang himalang pagkakaroon ng laman (prepaid card) ng cellphone ni Gina. Ang alam ni Gina, zero balance na ang kanyang cellphone kaya hindi na niya ito magamit. Nagbiro kasi si Gina ng gabing iyon at hinamon ang nagti-text na duwende na lagyan ng laman ang kanyang cellphone kung ito ay talagang mayroong kapangyarihan.
Sa pagkagimbal namin, nagkaroon nga ng laman ang cellphone ni Gina. Mahirap paniwalaan subalit totoo.
Kasunod ng pagkakadiskubre sa pagkakaroon ng card ay ang pagti-text ni Briana: "Siguro naman maniniwala na kayo na mayroong duwende."(Itutuloy)