'Pinaglaruan kami ng mga duwende' (Ika-22 Labas)

Ang ipinagtapat ng aking kapatid tungkol sa umano’y nakita naman niyang "kapre" ay lumitaw din sa isinagawang "pakikipag-usap" ng psychic na si Jane sa mga elementals sa ikalawang pagpunta niya sa aming bahay noong January 2001. Nakausap pa ni Jane ang kapre na tumutugma sa paglalarawan ng aking kapatid.

Nang isasagawa ang pakikipag-usap sa mga elementals, ako pa sana ang gagawin niyang medium subalit hindi ako pumayag. Natakot kasi akong baka hindi na makabalik sa dati kong katawan. Sa halip, ang kasama o alalay na lalaki ang ginawang medium. Pinahiga sa kama ang lalaki at sa pamamagitan ng hipnotismo’y nakatulog ito. Sa pagkakataong iyo’y naaalala ko ang mga napapanood sa TV. Hindi ko akalain na magaganap din pala sa aming bahay ang ganoong tanawin. Hindi naman kami humihinga ng mga sandaling iyon. Nakatayo kami ni Gina at ang kapatid kong babae.

Nagsalita si Jane sa lalaki. Pautos.

"Magpakilala ka sa amin."

Sumagot ang natutulog na lalaki. Malaki ang boses. "Ako si Diego. Ako ay isang kapre."

"Ikaw ba ang gumagawa ng mga paglalaro sa bahay na ito?"

"Hindi ako ang gumagawa."

"Sino?"

"Hindi ko alam."

"Saan ka nakatira?"

"Diyan sa may pinutol na malaking kahoy malapit dito."

"Salamat Diego," sabing pagtatapos ni Jane.

Ilang minuto ang pinalipas. Muli na namang nagtanong si Jane sa natutulog na lalaki.

"Magpakilala ka. Ikaw ba ang gumagawa ng paglalaro sa bahay na ito?"

Matagal bago sumagot. Saka ay isang maliit na tinig ang aming narinig. Sa himig ay may pagkasuplado.

"Ano ba ang kailangan n’yo?"

"Ikaw ba ang may kagagawan ng mga nangyayari sa bahay na ito?" Tanong ni Jane.

"Kami nga. Marami kami."

"Ano ang pangalan mo?"

"Ako si Magno. Kapatid ko si Briana."

Si Briana na aming nalaman ay babaing duwende na gustong makipagkaibigan kay Gina. Isa rin itong tinedyer at maganda. (Itutuloy)

Show comments