Sa nangyariy nagkaroon ako ng konklusyon na parang ayaw papasukin sa school si Gina. May pumipigil. Unay pagkakasakit at ngayon naman ay ang pagkawala ng bag.
Kinagabihan, nagtaka kami nang biglang lumitaw ang bag. Nakita namin ito malapit sa refrigerator. Ininspeksiyon ni Gina at wala namang nawala roon. Kinabukasan ay nakapasok na si Gina sa school.
Ang akala koy tapos ang paglalaro. Simula pa lamang pala iyon ng mga nakaririnding karanasan namin.
Sumunod na linggo ay hindi na naman nakapasok si Gina sa school. Ang dahilan: nawala ang kanyang school uniform.
Natatandaan ni Gina na isinabit niya ang uniporme sa likod ng pintuan ng kuwarto. Naligo siya. Nang magbibihis na ay labis ang pagtataka sapagkat wala na ang uniporme. Nataranta na naman si Gina at naghanap na naman kami. Hinalughog namin ang aparador, cabinet at kung saan-saan pa. Wala talaga.
Nang inaakala naming wala nang pag-asang makita ang uniporme, kinuha ko ang lumang uniporme sa aparador at iyon ang ipinasuot kay Gina. Subalit mas lalong nakaririndi ang nangyari. Nang isinusuot na ang uniporme ay nawakwak iyon sa likod. Malaki ang gawak na mahirap nang matahi. Ang ipinagtataka ko, kahit na luma iyon ay imposibleng masira dahil hindi pa naman gaanong nagagamit ni Gina.
Hindi na naman nakapasok si Gina. Sa pangyayaring iyon, gusto ko nang maniwalang may naglalaro nga sa aming hindi nakikitang nilikha. Gusto ko nang masiraan ng loob. Nagdasal ako na sanay tumigil na kung sino man ang naglalaro sa amin. (Itutuloy)