Mapait na asukal - (Ika-55 Labas)

Kahit na ayaw niya ng kursong kinukuha ay pinagbuti pa rin ni Jay ang pag-aaral. Wala siyang magagawa kundi sundin ang makapangyarihang utos ng kanyang mommy. Ganoon man hindi niya makalimutan ang pagmamahal sa pag-arte at pagsulat. Sumali siya sa teatro sa kanilang unibersidad. Sumali rin sa kung anu-anong contest sa pagsulat ng play. Kahit doon man lamang ay mailabas niya ang kinikimkim na sama ng loob dahil sa panghihimasok ng kanyang mommy sa pagpili ng kurso.

Mahusay siya. Pinahanga niya ang mga kaklase at propesor sa husay niyang gumanap at sumulat at sa dakong huli’y pinakialaman na rin niya ang pagdi-direct. Sabi pa ng isang kaklase niyang lalaki, sana’y ang may kinalaman na lamang sa pagsulat ng script at directing ang kinuha niyang course. Hindi na siya sumagot. Kukurutin lamang ang kanyang damdamin sa sama ng loob.

Walang bisyo si Jay. Alaga ang katawan niya sa pag-eehersisyo na ipinamulat din ng kanyang mommy. May schedule siya sa gym. Sayang daw ang kaguwapuhan kung mapapabayaan ang katawan.

Minsan ay tinanong siya ng kanyang mommy kung nanliligaw na siya. Nagulat siya. Hindi niya inaasahang magtatanong ang mommy niya ng ganoon.

Umiling siya.

"Mabuti," sabi ng mommy niya. "Huwag ka munang manliligaw. Pag-aaral muna ang atupagin mo para may katulong ako sa ating business."

Business na naman ang narinig niya. Pagkita na naman ng pera.

"Huwag ka munang titingin sa mga babae. Alam kong babae na ang nanliligaw ngayon. At sa guwapo mong ’yan, tiyak kong marami ang nagkakagusto sa iyo. Alam mo bang ’yung isa kong kaibigang matrona e me crush sa iyo. Sabi ko, baby ka pa. Hindi ka pa nga marunong manligaw."

Gusto niyang ipagtapat sa kanyang mommy ang kakaibang nararamdaman sa sarili. Baka may maipaliwanag ito. Sa totoo lamang, nahihirapan na siya sa pagkikimkim ng tunay na pagkatao. Pero natakot siyang sabihin ang kakaibang damdamin iyon sa mommy niya. Baka hindi siya maunawaan. (Itutuloy)

Show comments