Hindi niya alam kung ano ang ginagawa ni Jay. Wala rin siyang nararamdamang kilos nito. Ang alam niyay nakahiga rin ito sa dulo ng kama pagkatapos ng "kakaibang ritwal". Ang pagkagimbal ni Lara ay lalong lumalaki. Hindi na maabot ng kanyang isipan. Bumabalik ang pangyayari na sa wari niyay iglap lamang naganap. Ang ipinagtataka niyay kung bakit hindi naman siya nakatutol habang ginagawa iyon. Gusto niyang sisihin ang sarili kung bakit ayaw tumutol at hinayaang makapangyari ang isang bagay na sa tingin niyay mali at marumi. Hindi siya makakibo at naging sunud-sunuran na lamang kay Jay sa anumang gustuhin nito. At sa bawat paninisi sa sarili ay agad din naman niyang binibigyan ng katwiran: sino nga ba siya para tumutol sa lalaking mahal niya. Kung iyon ang gusto nito ay tanggapin at lunukin kahit laban sa kalooban. Pagtiisan na lamang ang hapdi. Hindi niya maipaliwanag ang sakit na tumimo. Nakatulugan niya ang kakaibang karanasan sa unang gabi ng kanilang kasal.
Kung anu-ano ang kanyang naiisip at naitatanong habang nakasubsob sa unan. Bakit sanay na sanay sa ganoon si Jay? Bakit alam na alam nito ang mga gagawin? Pati gagamitin para roon ay kabisado rin. Ano ba itong napasukan niya? Unang gabi pa lamang ay bigo na sa inaasahan at ano pa ang mangyayari sa mga susunod pa. Lumalaki ang pangamba at muling nabuhay ang kaba.
Baka kaya bakla ang kanyang asawa? Baka silahis, bisexual, AC-DC? Umagos muli ang luha niya at malaki na ang nasakop ng basa nito sa kanyang unan. Bigo yata siya sa kanyang pag-aasawa. May takot pa siyang nadarama. (Itutuloy)