Ang sumunod doon ay mas matindi. Isang pinsan niya ang nakapagsabi na nakita nito ang kanyang asawa na may kasamang babae sa isang mall sa Makati. Nagtaka siya sapagkat ang alam niya nagtungo sa Cabanatuan ang kanyang asawa na may kaugnayan sa trabaho nito. Hindi umano maaring magkamali ang kanyang pinsan sapagkat kilala naman nito ang kanyang asawa.
Nang umuwi ang kanyang asawa, kinumpronta na niya. Sinabing may nakakita sa kanila sa isang mall sa Makati. Tumanggi ang asawa. Hindi niya tinigilan at muli ay natikman niya ang kamao ng asawa. Hindi na ito nangimi. Pagkaraan ay lumayas na ito sa kanila. Nagdala ng mga damit. Naiwan siyang gulung-gulo ang isipan. Hindi inakalang ang masayang pagsasama ay mauuwi sa ganoon kasamang sitwasyon.
Inisip niya ang dahilan kung bakit natutong mambabae ang asawa. Wala naman siyang maisip na dahilan. Mabait siya at malambing na asawa. Sa kabila na busy siya sa ospital na pinagtatrabahuhan ay nakukuha niyang tugunan ang tungkulin sa asawa. Isang kaibigan ang nagsabi na baka ang hindi nila pagkakaroon ng anak ang dahilan. Sa loob ng 10 taong pagsasama ay wala silang anak. Hindi nila alam kung bakit.
Totoo ngang may babae ang kanyang asawa at kinumpirma ng isa niyang kapatid na pulis. Sinubaybayan nito ang galaw ng kanyang asawa. Naaktuhan ang paglabas sa isang motel sa Pasig. Marami ang nagmungkahing kasuhan ang kanyang asawa. Subalit tumanggi siya. Makakaladkad lamang ang pangalan niya. Kakahiya. Hinayaan na niya ang asawa sa gawain nito. Walang pormal na paghihiwalay ang nangyari. Tinanggap niya ang masakit na pangyayari.
Ilang taon ang lumipas at nag-apply siya sa Riyadh Military Hospital. Gusto niyang lumayo at malimutan ang sakit ng paghihiwalay.
"Kaya ako narito sa Saudi. Nagpapagaling ng sugat. Masakit pa nga hanggang ngayon."
"Parehas nga pala tayo," sabi ko. "Parehong me walanghiyang asawa."
Ngumiti si Carmen sa sinabi ko. (Itutuloy)