^

PSN Palaro

33-year title drought tinapos ng Cardinals

Russell Cadayona - Pilipino Star Ngayon
33-year title drought tinapos ng Cardinals
Ang Mapua Cardinals ang hinirang na hari ng NCAA Season 100.
NCAA photo

MANILA, Philippines — Naghintay ang Mapua University ng 33 taon para maibsan ang pagkauhaw sa korona ng NCAA men’s basketball tournament.

At nang mabigyan ng ikalawang sunod na pagkakataon ay hindi na nila ito pinalampas.

Inangkin ng Cardinals ang Season 100 NCAA men’s basketball championship matapos walisin ang Blazers ng College of St. Benilde, 2-0, sa kanilang best-of-three title series.

Ito ang ikaanim na korona ng Mapua sa kabuuan kung saan ang huli ay nangyari noong 1991 tampok ang game-winning putback ni Benny Cheng sa Game Three laban sa San Beda University.

Tinalo ng Cardinals ang Blazers sa Game One, 84-73, bago tuluyang walisin sa Game Two, 94-82, at isuot ang korona na ipinagkait sa kanila ng Red Lions sa Season 99.

“Una sa lahat I feel so privileged to be part of this, it’s the 100th year of Mapua and 100th year of NCAA. I wanna congratulate the team dahil naipanalo nila itong championship,” sabi ng 55-anyos ngayong si Cheng.

Kasama ni Cheng sa nasabing 1991 champion team si coach Randy Alcantara.

“Meron, pero siyempre, iba na ngayon compared dati,” pagkukumpara ni Alcantara sa dalawang tropa. “Ngayon mas skilled na ang mga bata kasi sa coaching staff pa lang, dalawa lang sila coach Joel Banal dati pero ngayon, kita mo naman, matututukan lahat ng players.”

Bumida sa 12 sunod na arangkada ng Mapua patungo sa kampeonato si star guard Clint Escamis na bumanat ng 33 points sa Game One at 18 markers sa Game Two.

“Sobrang sarap kasi knowing na nakuha ko ‘yung MVP last year pero wala, talo kami. So masakit sa puso ko talaga kasi somehow, ako lang ‘yung masaya eh,” ani Escamis sa kabiguan ng Cardinals sa Red Lions sa Season 99 NCAA Finals.

Bagama’t natalo kay St. Benilde center Allen Liwag sa karera para sa Most Valuable Player award ay pinahalagahan pa rin ng 24-anyos na si Escamis ang team championship.

“Okay lang kahit wala akong individual award. I set that aside kasi team first talaga muna. Gusto ko ‘yung whats good for the team. Iyon ‘yung nangyari,” ani Escamis.

Sa NCAA Season 101 sa susunod na taon ay nakatutok ang Cardinals sa kanilang ikalawang sunod na titulo.

NCAA

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with