Tamaraws sinuwag ang ika-2 sunod na panalo
MANILA, Philippines — Inirehistro ng Far Eastern University ang unang ratsada matapos kalusin ang National University, 65-58, sa UAAP Season 87 men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kinapitan ng Tamaraws ang tikas nina Royce Alforque at Jorick Bautista sa clutch upang suwagin ang two-game winning streak at ilista ang 3-6 karta para sa solo sixth place.
Lamang ng isang puntos, kumana si Alforque ng krusyal na back-to-back layups para palakihin ang kalamangan ng FEU sa lima sa huling 1:19 minuto sa fourth quarter.
“Instinct lang talaga. Si Jorick dini-deny talaga eh, sa akin napupunta ‘yung bola. So talagang nag-isip na lang ako ng paraan,” sabi ni Alforque.
Nagbalak pang lumapit ang Bulldogs, pero isang pamatay na stepback triple ang isinalpak ni Bautista upang selyuhan ang panalo ng Tamaraws.
Nagtala si Bautista ng 17 points at 4 rebounds, habang siyam na amrka ang ambag ni Alforque.
Si foreign player Mo Konateh ang top scorer para sa FEU sa inilistang 22 markers bukod sa 13 boards at 2 blocks.
Nalasap ng Bulldogs ang pang-pitong talo sa siyam na laro at nasa ilalim sila ng team standings.
Sina Ian Manansala at PJ Palacielo ang umiskor para sa NU sa kanilang 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
- Latest