Tres Queridas (60)
AMOY MAINIT na tinapay at usok ng tambutso sa maliit na paupahang kuwarto sa ikalawang palapag ng isang lumang bakery. Sa silid na ito, may direktang tanawin sina Celeste at Diana sa makipot at madilim na eskinita sa likod ng Royal Express Remittance & Pawnshop.
Sa tulong ng dalawang tech expert na ipinadala ng ama ni Celeste, mabilis na naikasa ang isang high-powered telephoto camera at isang directional shotgun microphone na nakatutok mismo sa pintuan sa likod ng remittance shop.
“Malinis ang signal, Ma’am,” bulong ng teknisyan habang iniaayos ang laptop kung saan lumalabas ang 4K live feed ng buong eskinita. “Kahit pabulong na mag-usap ang sinumang lalabas sa pintong iyon, malinaw nating maririnig mula rito.”
Bago pa man makapagsalita si Celeste, nag-vibrate ang kanyang cell phone sa mesa. Si Jack. Mabilis na pinindot ni Celeste ang speakerphone. “Jack. Anong lagay diyan sa pekeng safehouse?”
“Ma’am Celeste,” pabulong ngunit mariing ulat ni Jack mula sa kabilang linya. “Nakarating na ang balita mula sa perimeter guards natin. May dalawang itim na sedan ang pabalik-balik at paikut-ikot dito. Dalawang oras na silang nagpapatrol at nagmamatyag sa bakuran. Siguradong-sigurado silang nasa loob si Lani dahil sa GPS tracker.”
Nagkatinginan sina Celeste at Diana. Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Celeste.
“Hayaan mo silang mag-abang sa walang taong bahay. Huwag kayong magpapakita ng anumang hinala.”
“Naiintindihan ko po, Ma’am.” sagot ni Jack bago pinatay ang linya.
Pagbaba ng cell phone, biglang itinuro ni Diana ang screen ng monitor. “Celeste, tingnan mo.”
Sa live feed, dahan-dahang bumukas ang mabigat na bakal na pinto sa likod ng remittance shop. Isang lalaking nakasuot ng full-face helmet at may bitbit na reinforced leather bag ang lumabas mula sa panloob na eskinita. Mabilis itong pumasok sa pinto sa likod at inabot sa manager ng shop ang isang makapal at nakaselyong brown envelope. Mula sa directional microphone, malinaw na narinig sa speaker ng laptop ang boses ng manager:
“Nandito na ang paunang talaan para sa Biyernes. Siguraduhin mong nakahanda ang buong cash drop bago mag-alas-dos ng hapon. Siya mismo ang kukuha o ang kaniyang direktang runner.”
Nanlamig ang hangin sa silid, ngunit sa pagkakataong ito, hindi takot ang bumalot sa dibdib nina Celeste at Diana, kundi ang matinding pananabik. (Itutuloy)
- Latest















