MANILA, Philippines - Nagpalabas ng kautusan si Quezon City District Director Chief Supt. Richard Albano sa kanyang tauhan ang pagbabawal na magpapatrulya sa mga kalsada lalo na sa mga nakaparadang kotse kapag gabi upang makahuli lang ng magkasintahan nasa aktong nagla-love making para takutin at pagkaperahan.
Ayon kay Albano, hindi prayoridad ng kanilang tropa ang magbantay sa nakaparadang mga sasakyan para manghuli ng magkasintahan, bagkus ay ang seguridad na kailangang ipatupad nito sa mamamayan.
Inatasan ni Albano ang 12 hepe ng istasyon ng pulisya na itigil ang pagpapatrulya sa gabi ng ilan nilang tauhan sa labas para maghanap ng makokotongan sa mga magkasintahan nasa loob ng sasakyan.
Ito’y matapos ang pagkakadakip sa dalawang pulis na sina PO1 Ronaldo Englis, 39, at PO1 Ronald Mansibang, 28, ng Galas Police Station dahil sa tangkang pangongotong ng halagang P20,000 sa isang magkasintahan nitong Martes ng gabi sa New Manila. Ang dalawang pulis ay agad na sinibak sa kanilang mga tungkulin matapos ang insidente.