Ghost Lake (14)
Alam ni Paolo, si Dolores ang makapagpapatunay na sila ay nakasisid sa pusod ng lawa; na napakaraming kabaong doon.
Nang sumunod na gabi’y nasa tabing-dagat na naman ang binata, umaasam na muling naroon ang misteryosang dalaga.
Hatinggabi na naman. Kung magpapakitang muli ang mga nakalutang na kabaong, tatawagin agad ni Paolo ang mga tanod-barangay. Kailangang masaksihan din ng mga ito ang kababalaghan sa lawa.
“Paolo.”
Si Dolores ang muli niyang nakita. Naka-sleeveless ito, pareho ng damit sa bawat nilang pagkikita.
“Dolores, we need to talk. Natagpuan ako ng mga tanod na walang damit sa pampang…”
Hindi umiimik ang dalaga, nakikinig lang.
“Ako ma’y naguguluhan. Hindi ko na alam kung totoo o hindi na tayo’y nakarating sa pusod ng dagat, Dolores. Pero totoo ‘yon, alam ko rin!”
Tinitigan siya ni Dolores, parang ito ang nawiwirduhan sa kanya.
“Dolores, ikaw ang nagyaya sa akin na sumisid, nakatagal tayo ng 30 minutes sa ilalim. Nangyari ‘yon, di ba?”
Muli ay tinitigan siya ni Dolores na parang nawiwirduhan. Nainis na ang binata. “Damn it, Dolores, sumisid tayo na ako ang nasa hulihan mo. Pareho tayong hubo’t hubad. Nakita ko ang …ang iyong kuwan…”
Napabuntunghininga si Dolores. “Nakita mo pala, hindi mo pa rin mapaniwalaan?”
“Ang gusto ko’y i-confirm mo, sabihin mong sumisid nga tayo, nakita natin ang mga kabaong…”
“Ikaw ay normal ang isipan. Gamitin mo, Paolo.”
“Hayan ka na naman, puro matalinghaga ang salita! Yes or No lang, Dolores-tayo ba ay sumisid for more than 30 minutes…?”
“Paalam na, Paolo. Inaabala mo na ako.”
“Sino ka, Dolores? Bakit napakamisteryosa mo?”
“Gooodbye.”
“Wait! G-Gusto kita! Nais kitang…ligawan!”
“Bawal lumigaw sa tulad ko. Dumating ka sa maling panahon.”
Nagtatakbo na nang napakabilis si Dolores, nilamon na naman ng kadiliman ng paligid. “Shit! Pinahihirapan mo ako!” (ITUTULOY)
- Latest
- Trending