Junior Altas lalapit sa bonus

MANILA, Philippines — Pilit na seselyuhan ng University of Perpetual Help System DALTA ang top spot sa Group B sa pagagupa sa San Sebastian College-Recoletos sa second round ng NCAA Season 102 juniors basketball tournament sa FilOil Playtime Centre sa San Juan City.
Lalabanan ng Junior Altas ang Staglets ngayong alas-10 ng umaga.
Dala ng Junior Altas ni coach Joph Cleopas ang 8-3 record sa Group B at may tsansang makuha ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals kung mananalo sa Staglets.
Tinalo ng Junior Altas ang Staglets, 120-89, noong Setyembre 21 sa pangunguna nina Lord Dulanas, Sizco Roquid, Kakai Zamoras, Louie Rosales at Vandolf Urdaneta.
Sa men’s division, hangad ng Perpetual Altas na makabalik sa winning form sa pagharap sa San Sebastian Golden Stags.
Nagmula ang Altas ni coach Olsen Racela sa 89-92 overtime loss sa Emilio Aguinaldo College General noong Oktubre 30.
Bitbit ng Altas ang 3-8 baraha sa sa Group B at umaasang makakapasok sa quarterfinals.
Muling aasa si Racela kina JM Tulabut, LA Casinillo, Mark Gojo Cruz, Angelo Gelsano, Jim Corpuz, Aries Borja, Jericho Cristino, Shawn Orgo, Kenji Duremdes, Rey Allen Maglupay, Jan Roluna at Kurt Velasquez.
- Latest






















