Shakey’s elims winalis ng UST
MANILA, Philippines — Nagbagsak si Nicole Pelaez ng 10 points sa 25-17, 25-23 pagdaig ng University of Santo Tomas sa St. John’s Institute-Bacolod para kumpletuhin ang pagwalis sa elimination round ng 2026 Shakey’s Juniors National Invitationals kahapon sa Playtime FilOil Arena sa San Juan City.
Isinara ng Junior Tigresses ang elims sa malinis na 6-0 record para angkinin ang No. 1 seeding sa semifinals ng torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R and B Milk Tea.
Nagdagdag si Anelli Manzanillo ng walong marka kasama ang apat sa panapos na 5-2 atake ng UST sa second set laban sa SJI-Bacolod.
“Natutunan po namin sa preliminaries na ito kung paano po talaga ibigay ‘yung best effort namin para makuha ‘yung isang puntos,” sabi ni Manzanillo sa weeklong competition na itinataguyod din ng Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
Haharapin ng Junior Tigresses, nagreyna sa nakaraang Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1, ang uupong No. 4 team sa knockout Final Four na magsisimula ngayong alas-4 ng hapon.
Nadiskaril ang four-game winning streak ng Falcons na nilalabanan ang Guam-based guest team Pacific Volleyball Academy, Inc. habang isinusulat ito sa huling araw ng elims.
Kinuha ng SJI-Bacolod ang 21-20 abante mula sa atake ni Kristel Mirasol bago humataw ng magkasunod na puntos si Manzanillo kasunod ang palo ni Pelaez para sa 23-21 bentahe ng UST.
Sinelyuhan ni Manzanillo ang one-hour, five-minute victory ng UST mula sa kanyang kill block kay Caera Celis.
- Latest






















