Gamez, Rovin may tsansang makalaro sa Winter Olympics
MANILA, Philippines – Matagumpay na naidaos ang Southeast Asian Open Short Track Speed Skating Trophy na ginanap sa SM Skating Rink sa loob ng Mall of Asia kahapon.
At dahil nagpasiklab ang mga pambato ng Pilipinas na skaters ay pumasok sa isip ni Philippine Skating Union president Dyan Leah Dominique Cheng na nais nilang makagawa ng history — ang magkaroon ng kauna-unahang Filipina sa Winter Olympics.
Nakitaan ng husay ang mga batang skater ng Pilipinas nang makipagsabayan sila sa tulin sa mga dayuhan mula sa bansang Vietnam, Singapore, China, Korea, Hong Kong, Australia, Mongolia, Uzbekistan at India.
Para kay Cheng si figure skater Isabella Gamez ang posibleng makasali sa inaasam na kompetisyon.
“I have been very vocal about this. We really want the first Filipina in the Winter Olympics and we hope na yung figure skater natin na si Isabella Gamez kasama ang kanyang partner ay makalahok sa susunod na Winter Olympics,” ani Cheng.
Pakay naman ni Gamez at ang kanyang Fil-Russian partner Alexander KoRovin na lumahok sa mga international tournament upang makakuha ng puwesto para sa 2026 Winter Games na gaganapin sa Milan at Cortina d’Ampezzo, Italy.
Sa naganap na two-day tournament na sinalihan ng 90 skaters na may edad anim hanggang 24 anyos, hindi nagpahuli ang mga batang Pinoy skaters sa nasabing event, dahil nakapag-uwi ang Pilipinas ng apat na gold medals, dalawang silver medals at anim na bronze medals.
Patuloy naman si Cheng sa pag-promote ng nasabing sport para mas makilala pa ito hindi lang sa Pilipinas maging sa Southeast Asian region.
- Latest