Nitura umaasang makakasama sa Alas Women

MANILA, Philippines — Umaasa si Adamson University star spiker Shaira Nitura na mabilis siyang makakarekober mula sa isang surgery para makasama sa Alas Pilipinas na hahataw sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Wala si Nitura sa ginagawang ensayo ng Nationals ni Japanese coach Taka Minowa dahil sa kanyang ankle surgery.
“As of now, recovering ako, pero soon I’ll be back,” wika ng Lady Falcons standout. “Makakalaro naman ako sa Asian Games kung mapapasama ako sa final roster.”
Inilista ni Minowa ang pangalan ng 21-anyos na UAAP star sa Alas Pilipinas training pool na sasabak sa dalawang international tournament bago sumalang sa Asian Games sa Setyembre.
Kamakailan ay sumama na sa pagsasanay ng tropa sina collegiate stars Angel Canino at Amie Provido ng De La Salle University Lady Spikers.
“Looking forward ako kung sakaling mapasama ako dun sa lineup,” sabi ng UAAP Season 88 Most Valuable Player awardee.
Ang iba pang nasa training pool ay sina team captain Jia De Guzman, Eya Laure, Bella Belen, Vanie Gandler, Erika Santos, Alyssa Solomon, Thea Gagate, Dawn Macandili, Jen Nierva, Dell Palomata, Lams Lamina, Nina Ytang at Jasmine Jazareno.
Sasabak ang Alas Pilipinas sa Sixth Southeast Asia (SEA) V Cup Week 1 sa Hulyo 31 hanggang Agosto 2 sa Ninh Binh, Vietnam.
- Latest





















