Carmelle, may panawagan kay Sarah!

Handa na ang pambato ng Pilipinas sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia na si Carmelle sa kanyang aabangang Sobra-Sobra performance para sa pagkakataong magwagi sa Bangkok, Thailand sa darating na Nobyembre 14 (Sabado).
Sa ginanap na Carmelle: Sobra-Sobrang Send Off na ipinagdiwang ng ABS-CBN kasama ang pamilya, mga kaibigan, at fans ng Tawag ng Tanghalan: The School Showdown winner at dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0 housemate, ibinahagi niya ang kanyang personal goal na ilapit ang OPM sa global stage sa pamamagitan ng kumpetisyon.
Aniya, “‘Yung goal ko talaga is to leave the global audience with a deep sense of connection. Maiintindihan po sana nila na ‘yung Filipino music is universally relatable.”
Ayon pa sa Bicolana artist na nagwagi rin ng pitong gold medals sa 2019 World Championships of Performing Arts (WCOPA), childhood dream niya na maisasakatuparan ang gumawa ng pangalan sa global stage.
“Sa mga hindi nakakaalam, talagang international stage ang pinapangarap ko po. Lumaki ako na pinapanood ko ‘yung mga Pussycat Dolls, Spice Girls, kasi po ‘yan ang pinapalabas ng nanay ko nung bata pa ako,” kwento niya.
Suportado siya ng Team Carmelle, na binubuo ng Sobra-Sobra songwriters na sina Mat Olavides at Nica del Rosario, production head na si Jessamae Samson, stylist at creative director na si Ica Villanueva, at ng buong ABS-CBN Music sa pangunguna ni Roxy Liquigan kasama ang overall creatives, content and operations head na si Jonathan Manalo.
Para kay Jonathan, isang pagbibigay-pugay sa Pilipinas at pagsulong sa lakas at kakayahan ng mga Pilipino ang pagsabak ni Carmelle sa Eurovision Asia.
“More than ABS-CBN, ito ay laban nating mga Pilipino. Lahat tayo, flag ng Philippines ang wine-wave natin dito. Nakakatuwa na si Carmelle ay representation ng isang empowered Filipina,” sabi ni Jonathan.
Makakalaban niya ang 10 Eurovision Asia competitors mula sa Bangladesh, Bhutan, Cambodia, Laos, Malaysia, Mongolia, Nepal, South Korea, Thailand at Vietnam.
At matindi ang magiging laban niya dahil hindi pwedeng bumoto ang mga ang kababayan natin na nasa bansa.
Mga nasa abroad lang ang pwedeng bumoto sa kanya.
Kaya naman sinasamahan niya ng matinding dasal at lagi siyang may baong rosaryo at scapular sabay pakita niya sa baong rosary at scapular sa ginanap ngang Sobra-Sobang Send-Off ng ABS-CBN last Friday afternoon.
“Kasi kinakabahan din ako sa mga questions, kaya dala ko ang mga ito. Hindi na talaga mawawala sa akin ang rosary po, ang scapular. And of course, before po ako tumapak sa stage, talagang prayers po talaga. Hindi mawawala sa akin ‘yon. Prayers before and after my performance po,” pag-amin ng morena singer na dati ring Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0.
“Yes, super excited na po ako sa mabi-build naming connections ng mga co-finalists ko po, sa friendship na mabubuo. Kasi, sobrang pini-friend ko rin po ang mga co-finalists ko. Actually ‘yung iba po nakakausap ko na rin po sa social media.
“Curious po ako kung paano po ‘yung standard ngayon. Or kami po ba ang magsi-set ng standard. Curious po talaga ako,” sabi ni Carmelle.
Pero teka, ano ba ang nagbago sa buhay ni Carmelle mula noong lumabas siya sa Bahay ni Kuya?
“For me parang nadagdagan lang po, kasi mas lalo akong nakilala ng mga tao. Siguro po sa personality na naipakita ko or ‘yung naikuwento ko na rin po sa loob ng bahay ni Kuya.
“And ‘yun po, dumami rin po ang fans ko. Aaminin ko po, siyempre po every time na may mga performance po, may kanya-kanya silang grupo, na kapag ako po ang lalabas, kapag tinatawag na ang pangalan ko na Carmelle (tahimik lang daw at walang sumisigaw).
“Ngayon po, kapag lumalabas na ako, may mga pumapalakpak, sumisigaw na po. Na-appreciate ko po talaga ang mga fans. May mga brands na rin po na nagtitiwala, kaya medyo nakakaangat-angat na rin po sa buhay. Hahahaha!” sabi pa niyang tumatawa.
At kung meron man siyang gustong makasama at maka-collab: “May listahan po kasi ako, number one si Sarah G (Geronimo). Batang-bata pa lang po talaga ako, idol ko na siya, kinakanta ko na po ang Tala, Kilometro. Inaabangan ko rin po talaga siya sa ASAP noon.
“Noong nag-The Voice po ako, gusto ko po talaga na mapunta sa team niya po, kaso hindi siya umikot. Hahahaha!
“Si Coach Bamboo po ang umikot. Hahaha!
“So sana pagbigyan ako ni Coach Sarah. Siya po talaga ang gusto ko.
“Kaya sana, ‘Hi Coach Sarah, this is Carmelle po, hindi ko alam kung naaalala niyo pa po ako, pero ako po ‘yung sumali ng The Voice Kids Season 4, and kung meron po kayong time, sana po ay makapag-collab po tayo. Salamat po,” mensahe pa ni Carmelle kay Sarah.
- Latest





















