Publiko binalaan sa ‘Ber Months’ travel scam
MANILA, Philippines — Nagbigay ng babala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko laban sa mga nag-aalok ng fake hotel accommodations at travel promotions online na karaniwang namamayagpag pagpasok ng “Ber Months”.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGEN Christopher Abrahano na maging mas maingat ang mga residente sa Metro Manila sa pag-book online ng mga hotel, resort, airline ticket, tour package, at iba pang travel-related services.
Hindi dapat maengganyo sa alok na attractive deals na sobrang murang presyo, limited-time deals, o malalaking discount.
“Do not let attractive travel deals cloud your judgment. Before sending any payment, verify that the hotel, travel agency, or booking account is legitimate. A few minutes of verification can prevent the loss of your hard-earned money,” ayon kay Abrahano.
Dapat suriing mabuti ang mga scammer online na nagnanakaw o gumagamit ng logo, mga larawan, bagong likhang account, o website at page na ginagaya ang lehitimong hotel, resort, airline, o travel agency at direktang magberipika sa opisyal na website o verified contact channels ng establishment.
Iwasan din ang pagpapadala ng bayad sa personal na account, lalo na kung ang transaksyon ay para sa isang negosyo na dapat ay may lehitimong corporate o merchant payment channels.
Kabilang sa paalala na huwag kailanman ibahagi ang passwords, one-time passwords (OTPs), banking credentials, o iba pang sensitibong personal at financial information sa mga indibidwal na nagsasabing kinatawan sila ng mga hotel, travel agency, o booking platform.
Dapat na itago ang mga screenshot, resibo, account details, mensahe, at iba pang rekord ng transaksyon sakaling mabiktima ng online travel scam at agad na i-report sa kinauukulang otoridad ang anumang mapanlinlang o fraudulent na aktibidad.
- Latest





















