EDITORYAL - Bank secrecy laws, amyendahan na
KINABAHAN daw si AMLC executive director Ronel Buenaventura nang humarap sa day 33 ng impeachment ni Vice President Sara Duterte. Hindi na nakapagtataka. Bago pa siya makapagsalita, pinilit na ng depensa na patigilin ang testimonya niya. Ibinasura ng impeachment court ang mosyon ng depensa.
Ayon kay presiding officer Francis Escudero, hayagang pinapayagan ng Republic Act No. 1405 ang pagsilip sa mga deposito sa mga kaso ng impeachment. Tutol naman si Sen. Imee Marcos sa pagharap ng foreign currency accounts, pero ipinaalala ni Escudero na pinayagan din ito noong Corona impeachment court.
Maging ang Bangko Sentral ay umaming may mga exception, kabilang ang imbestigasyon ng AMLC sa money laundering, ang habol ng PCGG sa ill-gotten wealth, at ang pagpayag ng depositor mismo. Bukas din ang mga account sa mga kaso ng bribery, plunder, unexplained wealth at impeachment. Kung ganito karami ang exception, bakit tila may bakal na pader na humaharang?
Sa testimonya ni Buenaventura, may 666 covered transaction reports at 55 suspicious transaction reports na kinasasangkutan nina Sara at asawang si Manases Carpio, na nagkakahalaga ng P4.4 bilyon. Paalala: mga ulat ito ng transaksiyon, hindi hatol, at karapatan ng mga akusado na sagutin ang mga ito. Pero ang tanong ng karamihan ay: saan galing ang pera? Kinumpirma rin ng AMLC na umabot sa P319,326,770.41 ang pumasok mula mainland China at Hong Kong sa CALE88 Foods Corp. ni Carpio. Nang tanungin ni Sen. Sherwin Gatchalian, sinabi ni Buenaventura na maaaring sumailalim sa money laundering case ang kompanya dahil hindi nakatala sa books nito ang P776 milyon na pumasok.
At nang magsimulang lumabas ang mga ito, ano ang tugon ng depensa? Binantaan ng abogadong si Mark Vinluan ng kasong kriminal ang mga senator-judge, mambabatas at media dahil sa pagbubunyag ng mga ulat ng AMLC. Kalaunan, humingi siya ng paumanhin matapos silang tuligsain. Kung ang mga senator-judge ay napagbabantaan ng parusang kulong, ano pa ang mararamdaman ng ordinaryong imbestigador, mamamahayag o testigo?
Ito ang epekto ng mahigpit na bank secrecy: nailalagak ng mga korap ang nakaw sa foreign currency accounts, kung saan mas ligtas itong itago. Noong 2016, tinagurian ang Pilipinas bilang “dirty money black hole” nang dumaan sa mga casino at banko natin ang $81 milyong na-hack mula sa Bangladesh Bank. Ilang reporma lang ang naipasa, at paulit-ulit pang tinatanggihan ng Kongreso ang malawakang pagluwag sa batas. Kahit ang National Security Council ay nagsabing sisiyasatin nito ang umano’y pumasok na pera mula China. Anuman ang hatol sa impeachment, amyendahan na ang bank secrecy laws. Huwag nang hintayin na pakinabangan ito ng mga susunod na tiwaling pulitiko.
- Latest



















