Dimples, request ng nanay ni Rene Baterbonia

Kontrobersyal ang pagkamatay ng dalawang miyembro ng Ateneo Blue Eagles Men’s Basketball Team na sina Rene Baterbonia at Divine Adili ilang buwan na ang nakalilipas.
Nalunod umano ang dalawang players habang nasa training sa Aurora Province. Nakatakdang isapelikula ang buhay ng namayapang basketbolista na si Rene. Si Senador Robin Padilla umano ang kumausap sa ina ni Rene na si Rovelyn Baterbonia para sa proyekto. “Kasi no’ng nakaburol pa ‘yung anak ko sa Arlington bumisita si Senator Robin Padilla po sa akin, nagbigay-tulong po. Sinabi niya, ‘‘Nay, paano po kaya kung gawan natin ng pelikula ‘yung anak mo? Papayag ka ba?’ Sabi ko, ‘Opo naman, anong masama kung kunan mo ng pelikula.’ Kaya no’ng araw din ng libing ng anak ko, bumalik sila doon at kasama si BB Gandanghari, si Direk po. Mag-uumpisa pa lamang na mag-taping sila,” nakangiting kwento sa amin ni Nanay Rovelyn sa Fast Talk with Boy Abunda.
Ngayon ay magkaibigan na raw ang ginang at si BB Gandanghari na siyang magiging direktor ng pelikula. “Opo, okay naman po. Actually, nandoon na siya sa Mindanao para mag-start na ‘yung taping po,” dagdag niya.
Umaasa ang ina ni Rene na mas makikilala pang lubusan ng mga manonood ang kanyang pumanaw na anak sa pamamagitan ng gagawing pelikula. “Gusto kong makilala siya lalung-lalo na sa mga kabataan ngayon, na sana’y tularan ‘yung anak ko. Sa nakikita nila ngayon, para naman ‘yung ibang bata din makita nila kung anong kabutihan ang ibinibigay sa akin ng aking anak,” giit ni Nanay Rovelyn.
Hindi pa raw alam ng ginang kung sinong artista ang gaganap bilang ina ni Rene sa gagawing proyekto. Mayroong naiisip ang ina ng basketbolista na isang aktres na maaaring gumanap sa proyekto. “Si Dimples Romana,” pahayag ng ina ni Rene.
Mayroong mensahe ang ginang para sa namatay na anak. Kahit hindi na kasama si Rene ay nakatutulong pa rin umano sa kanilang pamilya. “Maraming salamat, kasi kahit nasa kabilang buhay na siya, inahon pa rin niya kami sa kahirapan. Pangalawa, sana’y tulungan n’ya kami maabot kung ano talaga ‘yung katotohanan sa pagkamatay mo. ‘Bakit gano’n ang nangyari sa iyo?’” malungkot na pahayag ng ginang.
“Malungkot pa rin po, nagtitiis pa rin po sa lungkot. Nami-miss na po namin ‘yung aming anak po. Bakit at ano ang nangyari sa aming anak? Gusto ko lang talagang malaman kung ano talaga ‘yung nangyari sa pagkamatay ng anak ko. Aksidente ba talaga o hindi?” pagbabahagi ni Nanay Rovelyn.
Samantala, binigyan umano ng full scholarship ng Ateneo de Davao University ang mga kapatid na naiwan ni Rene. “Si Fr. Karel (San Juan) po ‘yung nagbigay sa akin na lahat ng kapatid i-scholar niya sa Davao. Tinanggap ko, pero wala akong pinirmahan. ‘Yon po ang sinasabi ni Fr. kung kailan ko gusto paaralin ‘yung anak ko doon sa Ateneo, tanggapin daw nila ‘yon,” pagtatapat ng ina ni Rene. (Reports from JCC)
- Latest






















