Single father
Dear Dr. Love,
Tawagin nyo na lamang po akong Joseph, isang ama na mag-isang nagpapalaki sa aking pitong taong gulang na anak na babae. Tatlong taon na ang nakalilipas nang lisanin kami ng aking asawa na sumama sa ibang lalaki. Iniwan niya sa akin ang lahat ng responsibilidad nang walang pasabi.
Dr. Love, napakahirap maging single father sa isang batang babae. Nangangapa ako sa pag-aayos ng kanyang buhok, sa pag-unawa sa kanyang emosyon, at higit sa lahat, sa pagsagot sa mga tanong niya kung nasaan ang kanyang ina. Sa bawat tanong niya, nadudurog ang puso ko, pero pinipilit kong ngumiti para sa kanya.
Nagtitiis ako sa puyat at pagod dahil siya ang aking lakas at ang pinakamagandang obra maestra ng aking buhay. Ang hiling ko lang ay mapalaki ko siya na may dangal at busilak na puso sa kabila ng aming sitwasyon.
Joseph
Dear Joseph,
Isang mataas na pagpupugay sa iyo. Huwag mong sisihin ang iyong sarili. Hindi ka nagkulang. Ang pagpili ng iyong asawa na mang-iwan ay sarili niyang pasya at kahinaan, hindi mo ito kabiguan. Bihira ang mga amang tulad mo na buong-ngiting na tumatayo bilang nanay at tatay nang sabay. Kaya naman ang payo ko ay maging tapat ka na may pag-iingat para sa iyong anak. Kapag nagtanong ang bata, huwag mong siraan ang kanyang ina.
Sabihin mo lang na may mga bagay na hindi napagkasunduan, ngunit tiyakin mong hinding-hindi mo siya iiwan. Kapanatagan ng loob ang kailangan niya.
Kung kailangan, huwag kang mahihiyang humingi ng saklolo. Habang lumalaki ang iyong anak patungo sa pagdadalaga, mangangailangan siya ng gabay ng isang babae.
Huwag kang mag-atubiling ilapit siya sa mga pinagkakatiwalaang kamag-anak na babae, tulad ng iyong ina o kapatid para maging gabay niya.
Alagaan mo rin ang iyong sarili. Hindi ka makakapag-alaga nang maayos kung ikaw mismo ay hapo at may iniinda. Bigyan mo ang iyong sarili ng panahong magpahinga. Ang malakas na ama ang pinakamagandang sandigan ng anak.
DR. LOVE
- Latest





















