Ex-mayor ng Silang ‘di pa absuwelto sa kaso – Carranza

CAVITE, Philippines — Binigyang-linaw kahapon ni Silang Mayor Gented “Ted” Carranza ang kumakalat na balita sa social media na diumano’y “lifted “ na ang mga kasong isinampa laban kay dating Mayor Kevin Anarna na ngayo’y tumatakbong muli sa pagkaalkalde sa nasabing bayan sa May 2025 elections.
Kahapon humarap sa mga mamamahayag si Carranza kasama ang kanyang tatlong abogado at nagpaliwanag sa mga ibinatong akusasyon sa alkalde.
Nilinaw ng isa sa mga legal counsel ni Carranza na si Atty. Vic Danao, na ang inilabas na resulta ng Commission on Audit (COA) na “Notice of Disallowance” ay hindi patunay na ligtas na sa kaso si dating Mayor Anarna bagkus ito ay nasa ilalim pa rin umano ng imbestigasyon ng COA.
Matatandaan nitong Oktubre 2024 nang pababain sa puwesto ng COA si Mayor Kevin Anarna hinggil sa mga kasong isinampa rito ng kaniyang vice mayor na si Carranza sa maanomalyang paglustay umano ng mahigit P1.3 bilyong kaban ng bayan.
Dahil dito, nasuspinde si Anarna ng 6-buwan, subalit nang nakatakda na sana siyang bumalik sa puwesto bilang alkalde nang muling nagbaba ng desisyon ang Office of Ombudsman ng “perpetual disqualification”laban sa kanya dahilan upang hindi na siya nakabalik sa puwesto at si Carranza ang umupo bilang alkalde hanggang sa kasalukuyan.
Isiniwalat ni Carranza na may 149 pang kaso na naisampa sa Ombudsman sa umano’y maanomalyang paglustay ng pera ng bayan laban kay Anarna.
Hinamon din ni Carranza si Anarna sa isang debate. Aniya, dito umano lalabas kung sino ang may itinatagong baho at anomalya.
- Latest