UAAP yearender: UP nagdomina sa iba pang sports
MANILA, Philippines — Hanep ang taong 2024 para sa University of the Philippines dahil maliban sa pag-angkin ng korona sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament ay nagningning din sila sa iba pang sports events.
Bukod dito ay dinomina rin ng Katipunan-based squad ang men’s athletics at women’s badminton tournaments.
Ayon kay UP Office for Athletics and Sports Development (OASD) director Bo Perasol, masaya ang eskuwelahan dahil nagkampeon sila sa basketball na isa sa paboritong sport sa bansa.
Pero ang trabaho ng OASD ay i-develop lahat ng kanilang sports kaya naman naging masagana ang taong 2024 para sa UP.
“Winning a basketball championship is a real blessing. Although we are and have been champions in many other sports like track and field, football, badminton, swimming, judo, and tennis,” ani Perasol, ang dating head coach ng men’s basketball team noong 2016 hanggang 2021.
Nasungkit ng Fighting Maroons ang pang-apat na titulo nang patalsikin nila sa trono ang De La Salle University, 66-62, sa Game Three ng kanilang best-of-three championship series.
Matamis din ang pagkakapanalo ng UP dahil nabawian nila ang Green Archers na tumalo sa kanila noong nakaraang taon sa Game Three din.
Sa katunayan ay apat na sunod na seasons na naglalaro sa Finals ang UP.
Puro nasagad ang kanilang mga laro sa Game Three.
Noong Season 84 ay inalisan nila ng korona ang Ateneo de Manila University Blue Eagles.
Nabigo naman ang Fighting Maroons sa Seasons 85 at 86 kontra sa Blue Eagles at Green Archers, ayon sa pagkakasunod.
Kaya mahalaga ang kampeonato ng UP ngayong taon at kasama sa tagumpay ang pagkakapanalo ni JD Cagulangan bilang Finals Most Valuable Player matapos nitong akbayan ang koponan.
- Latest