Cale88: P150 milyon ang benta, 2 lang empleyado
MANILA, Philippines — Lubos umanong ipinagtaka ni Senator-Judge Joel Villanueva kung paano nagawa ng Cale88 Foods Corporation na may dalawang empleyado lamang ay kumita ng P150 milyong benta habang nagtala ito ng P6.13 milyong pagkalugi.
Ginawa ni Villanueva ang pagkuwestiyon sa ika-37 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos lumabas sa 2024 Audited Financial Statements (AFS) ng Cale88 na dalawa lamang ang empleyado ng kumpanya sa kabila ng napakalaking benta nito.
Base sa 2024 AFS ng Cale88, umabot sa P150,765,259 ang kabuuang benta nito, na ang malaking bahagi ay tax-exempt o hindi pinapatawan ng buwis.
Pero sa kabila ng malaking benta, nagdeklara ang kumpanya ng P6.13 milyong pagkalugi at P11.43 milyong kabuuang gastusin.
Sinabi naman ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Chief of Staff Anne Loraine Garcia-Marquez na isinalang na testigo ng prosekusyon na parang imposible ang nangyaring pagpapatakbo ng gawaan ng banana chips na dalawa lamang ang tauhan.
Idinagdag ni Villanueva, dating chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, na kailangang linawin kung paano nakapagsagawa ng ganoon kalaking operasyon ang isang kumpanyang napakaliit ng workforce.
- Latest
















