John loveless, gustong i-push ang RTC

Nagse-selfie si Universal John “Sweet” Lapus sa isa sa mga giant photo walls na nagkalat sa lobby ng World Trade Center during the hugely successful White Party Manila kamakailan.
Kasama kasi siya sa nasa photo wall na kinukunan niya along with other LGBTQIA+ icons and allies gaya nina Ice Seguerra at Vice Ganda.
Inabala at hinila namin siya for a brief tsikahan. Aniya, nandoon siya dahil loyal supporter siya ng nasabing LGBT+-themed party at present siya sa lahat ng events nito – mapa-Malate, Metrowalk sa Pasig at Greenfield District sa Mandaluyong.
Masaya raw siyang napagdesisyunan ng Mentorque Productions (same producer of last year’s Metro Manila Film Festival entry, Uninvited) na ibalik ito sa eksena after a 12-year hiatus. Kasikatan daw niya noong nilapitan siya ng Mentorque para gawing sole ambassador ng White Party at touched daw siya na kahit hindi na siya gaanong kasikatan ay isinasali pa rin siya sa mga ganap nito.
That night, siya raw ang natokang mag-introduce sa ilang personalidad na sumusuporta sa mga miyembro ng LGBT+ community at kumikilala sa karapatan ng mga ito—LGBT+ allies in short gaya nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Manila Mayor Isko Moreno – na binigyang parangal noong gabi na ‘yon.
Pero isa sa ikinasasaya ng puso niya, bilang nanay-nanayan ng mga beki, ay ang pagkakaroon ng Right To Care (RTC) program ng ilang cities and municipalities sa bansa.
Ang right to care ay isang ordinansang sinimulan sa Quezon City noong 2023 kung saan bibigyan ng right to care card ang mga magpaparehistrong LGBTQ+ couples at ito ay magsisilbing special power of attorney to help queer couples na makapagdesisyon sa medical concerns ng kanilang partners.
Marami-rami na ring siyudad at bayan ang nag-adapt ng same ordinance gaya ng San Juan, Parañaque, Dasmariñas at Mandaluyong habang ang Cavite at Cebu ay ipinapatupad ito on a provincial level.
Presently, isinusulong ni Congressman Perci Cendaña na mapasa ang RTC card bill para maging on national scale ang pagpapatupad ng RTC card program.
“Ang mga mag-dyowang [LGBTQ+] matagal na, ‘pag nagkasakit ‘yong isa, hihintayin pa ‘yong pamilya niya, kapatid niya, nanay at tatay niya dahil walang karapatan ‘yong dyowa niya na pumirma sa kung anong pinapipirmahan ng ospital?” talak ni John.
“In my understanding, kailangan lang magpa-register ng matatagal nang mag-dyowa or ng mag-dyowa for that matter.”
“Meron pa ‘yong mga bakla na may mga ampon na hindi naman legally adopted... imagine-in mo, ‘pag nagkasakit ‘yong bata, hahanapin pa ‘yong tunay na parents, e, pinabayaan na nga ‘yong bata.
“So, thank God na okay na ang right to care program and I do hope na lahat ng LGBTQIA+ people ay mag-register doon, sumali doon because para sa atin ‘yang batas na yan,” panghihikayat pa ni Sweet.
Ang catch lang, mukang ‘di niya maa-apply ang right to care ordinance sa sarili niya bilang loveless pala ang Universal Sweet.
“Wala… wala... sa kasamaang-palad,” natatawang say niya. “Actually gusto ko ring magpa-register doon kasi most of the time, mga kaibigan ko ang kasama ko. E, baka mamaya, naghihingalo na ako aantayin pa ‘yong nanay ko, mga kapatid ko...
“Aaralin ko yan,” patuloy niya.
“Kasi may kilala ako mag-dyowa, ang tagal na nilang mag-dyowa... hindi daw siya pwedeng mag-sign kasi hindi siya kamag-anak. Hinintay pa ‘yong kapatid... namatay ‘yong baklang ooperahan. So, napakasaklap. So, thank God na meron nang right to care program, na maaasahan para sa lahat ng LGBTQIA couples, LGBTQ parents na may in-adopt na bata at marami pang iba na puwedeng makinabang diyan.”
Samantala, si John ay mapapanood this September sa Bongga Ka, ‘Day!: The Annie Batungbakal Musical sa beking-beking role as Tarurit, ang may-ari ng Coco Banana. Pagbibidahan ni Atasha Muhlach, ang Bongga Ka, ‘Day! ay itatanghal sa Newport Performing Arts Theater sa Pasay.
- Latest























