BIR: ‘BGC Boys’ kakasuhan sa P1.68 bilyong tax case

MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nakakuha sila ng clearance mula sa Department of Justice (DOJ) upang magsampa ng 44 na kasong kriminal laban sa tinaguriang “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors kaugnay nang tax liabilities na nagkakahalaga ng P1.68 bilyon
Ayon sa BIR, nakitaan ng DOJ ng probable cause para makasuhan sina dating DPWH Bulacan assistant district engineer Jaypee De Leon Mendoza, first district engineer Henry Alcantara, at first district engineer Brice Ericson Hernandez kaugnay ng tax evasion sa ilalim ng Section 254 at iba pang kaugnay na paglabag sa ilalim ng Section 255 ng National Internal Revenue Code (NIRC), as amended.
Base sa rekomendasyon ng DOJ, nabatid na si Mendoza ay sasampahan ng 16 criminal information para sa kabuuang P179.785 milyong tax liabilities mula 2021 hanggang 2024; 18 criminal information naman ang ihahain laban kay Alcantara para sa kabuuang P913 milyong tax liabilities mula 2022 hanggang 2024; at 10 criminal information naman ang kakaharapin ni Hernandez para sa kabuuang P593.776 milyong tax liabilities mula 2020 hanggang 2024. Nakatakda umanong ihain ang mga naturang kaso sa Court of Tax Appeals.
Sina Hernandez at Mendoza ay kasalukuyan nang nakapiit sa New Quezon City Jail habang si Alcantara naman ay nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.Ang tatlo ay nahaharap rin sa mga reklamong graft sa Office of the Ombudsman.
- Latest















