7 miyembro ng pamilya patay sa bangga
Van sumalpok sa puno…
MANILA, Philippines — Napalitan nang pagluluksa ang masaya sanang pagdiriwang ng Pasko ngayong araw matapos masawi ang pitong miyembro ng pamilya nang sumalpok ang sinasakyan nilang L300 van sa isang puno sa Purok Lote, Barangay Cebuano, Tupi, South Cotabato nitong Lunes ng alas-3:00 ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Annabel Maglinte, 52; mister nitong si Joel Magline; mga anak na sina Joel Maglinte, 28; kapatid na si Doque Maglinte; Ike Maglinte at dalawang paslit na isang 7 at 8.
Sinabi ni Emil Sumagaysay, ang municipal disaster risk reduction and management officer, lahat ng pitong pasahero ng Mitsubishi L300 van ay namatay sa pinangyarihan ng insidente habang ang driver ay nagtamo ng malubhang pinsala.
Nabatid na ang mga biktima na pawang residente ng Cagayan De Oro City ay nagbabakasyon sa kalapit na bayan ng Polomolok at bumisita sa isang tourist site sa Magsangyaw, Tupi at pauwi na nang maaksidente.
Posible umanong nawalan ng preno ang van mula pa lang sa matarik na bahagi ng daan at sumalpok sa isang malaking puno ng narra ang sasakyan bago ito lumagpak ng patagilid sa tabi ng highway.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad.
- Latest