6.1 magnitude na lindol tumama sa Catanduanes!
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagulantang ang mga residente sa lalawigan ng Catanduanes at sa ilang bahagi ng Kabikolan matapos silang yanigin ng malakas na lindol na aabot sa 6.1 magnitude kahapon ng umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-5:19 ng umaga nang tumama ang lindol at naitala ang epicenter nito sa layong 78-kilometro sa northeast ng bayan ng Bagamanoc, Catanduanes na may lalim na 38-kilometro at tectonic-in-origin.
Naramdaman ang Intensity IV sa bayan ng Virac, Catanduanes at Tabaco City sa Albay; habang Intensity lll sa Mercedes, Camarines Norte, Caramoan at Sangay sa Camarines Sur, at Sorsogon City, Sorsogon; at Intensity ll sa General Nakar sa Quezon, Legazpi City sa Albay, Daet sa Camarines Norte, mga bayan ng Ragay at Sipocot at Iriga City sa Camarines Sur, at San Roque, Northern Samar.
Naitala naman ang Intensity 1 sa Irosin, Sorsogon; Jose Panganiban, Camarines Norte; Claveria, Masbate; Bulusan, Sorsogon; at Gandara, Samar.
Sa lakas ng lindol sa Catanduanes, ilang istruktura lalo na ang mga silid-aralan ang nagkaroon ng pinsala.
Sinabi ni Archbishop Deo Moreno, hepe ng Disaster Risk Reduction Management Office ng Department of Education (DepEd) regional office sa Bicol na may natanggap silang inisyal na ulat mula sa Schools Division Office ng Catanduanes na may classroom sa Sta. Rosa Elementary School sa bayan ng Viga ang nagkaroon ng crack o bitak dulot ng malakas na lindol.
Naghihintay pa umano sila ng report kung may napinsala pa sa ibang paaralan.
- Latest