Bagong training pool para sa Smart Gilas 2.0
MANILA, Philippines - Dalawang international tournaments ang nakatakdang lahukan ng Gilas Pilipinas National team sa Enero bilang paghahanda sa 2013 FIBA-Asia Championships sa Agosto o Setyembre sa Lebanon na siyang qualifying tournament naman para sa FIBA World Cham-pionships sa 2014.
Ipinahayag ito ni PBA Commissioner Chito Salud kahapon, isang araw matapos makipagpulong kay Gilas Pilipinas National coach Chot Reyes para ayusin ang schedule at mga plano ng Pambansang koponan.
Ang mga torneong lalahukan ng Gilas ay Dubai International Invitational sa United Arab Emirates sa Enero 10-19 at ang King’s Cup tournament sa Hong Kong sa Enero 22-27.
Ayon kay Salud, bubuo ng bagong 20-players pool si Reyes mula sa sampung PBA teams na siyang pagpipilian nito para sa dalawang tune-up tournaments na kanilang sasalihan sa Enero.
“Coach Chot will submit his new wish list of 20 players as soon as possible and we’ll let you know immediately once he does,” pahayag ni Salud sa isang informal press conference bago nagsimula ang PBA games sa MOA Arena kahapon.
Dahil magsisimula pa lamang ang finals ng kasalukuyang Philippine Cup sa Enero 9, ang ma-lamang na pagpipiliang players ni Reyes para sa kanyang bagong 20-man pool ay ang mga players na hindi na naglalaro sa PBA finals.
Napag-alaman din ni Salud na plano ni Reyes na pagkabuo ng bagong 20-man pool nito ay mag-eensayo sila kada Lunes mula alas-8:00 ng gabi sa Philsports Arena at mas mapapadalas at mas magiging regular kapag malapit na ang dalawang nasabing torneo.
- Latest
- Trending