It’s Okay nila Anne, kalat sa buong mundo!

Dalawang hit series ng ABS-CBN ang napapanood na sa mahigit 200 bansa at teritoryo kabilang ang America, Europe, Oceania, Middle East at Southeast Asia sa ilalim ng bagong partnership nito sa Rakuten Viki.
Mas lumawak pa ang abot ng mga Kapamilya series dahil sa Viki na may higit 120 milyong users sa buong mundo at mas mapapalapit din sa international fans ang ABS-CBN shows sa tulong ng entertainment platform na Soompi.
Kabilang sa line-up ang Pinoy adaptation ng It’s Okay to Not Be Okay na pinagbibidahan nina Anne Curtis, Joshua Garcia at Carlo Aquino na nag-premiere noong April 17 sa ilang international territories.
Kasama rin ang He’s Into Her Season 1 na napapanood simula May 8, at Season 2 na nakatakdang mag-stream sa June 5, na pinagbibidahan naman nina Belle Mariano at Donny Pangilinan.
Ang mga nasabing serye ay may English, Spanish, Portuguese at French subtitles. Sa tulong ng community subtitles ng Viki, mas marami pang international viewers ang pwedeng maabot nito dahil sa collaborative translation system nito.
Ang naturang deal ay isinagawa sa pamamagitan ng ABS-CBN International Sales Division at bahagi ng patuloy na global expansion ng kumpanya.
Sa mahigit 50,000 oras ng content na naibenta sa mahigit 50 bansa sa buong mundo, patuloy na pinapalawak ng ABS-CBN ang abot ng Pinoy storytelling sa international audience.
- Latest
























