OSG: Pagpapatalsik kay Guo, mapapabilis
MANILA, Philippines — Kumpiyansa ang Office of the Solicitor General (OSG) na mapapabilis ang pagpapatalsik sa puwesto kay Alice Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac, bunsod na rin ng findings ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang fingerprints ng alkalde ay nag-matched sa fingerprints ng Chinese woman na si Guo Hua Ping.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, inaasahan nilang sa tulong ng naturang NBI findings ay maihahain na ang quo warranto case laban kay Guo sa susunod na buwan.
Ipinaliwanag ni Guevarra na malaking tulong ang naturang ebidensiya sa kaso laban kay Go.
Gayunman, kailangan muna aniya itong i-tie up sa iba pang ebidensiya upang magkaroon ng isang mas malinaw na larawan ng kaso.
Nabatid na ang quo warranto, na nangangahulugang “by what authority,” ay isang special civil action upang tukuyin kung ang isang indibidwal ay mayroong karapatang humawak ng puwesto sa pamahalaan.
Ang paghahain ng quo warranto ay maaari umanong isagawa ng OSG o ng isang public prosecutor, alinsunod sa kautusan ng Pangulo ng Pilipinas o ng sarili nitong inisyatiba.
Sinabi rin naman ni Guevarra na bukod sa pagpapatalsik sa puwesto, maaari rin umanong masampahan ng kasong perjury o falsification si Guo kung mapapatunayang nagsinungaling sa kanyang nasyunalidad, under oath, o gumawa ng maling pahayag sa kanyang certificate of candidacy at iba pang dokumento.
Una nang nagpahayag ng pagdududa si Sen. Sherwin Gatchalian na sina Guo at Guo Hua Ping, ay iisang tao lamang, base sa mga dokumentong nakalap nito mula sa Board of Investments (BOI) at Bureau of Immigration (BI).
Tila nakumpirma naman ang naturang pagdududa matapos na ang findings ng NBI na matched ang fingerprints ng mga ito.
- Latest