^

Punto Mo

EDITORYAL — Mga tanong pagkatapos ng ASEAN Summit

Pang-masa

MAAYOS at matiwasay na nairaos ang 49th ASEAN Summit sa bansa. Walang naitalang kaguluhan. Hindi nakalusot ang mga nag-rally laban kay U.S. President Donald Trump. Balik na sa normal ang galawan sa Metro Manila na ilang linggo ring nagkaroon ng mga pagbabago.

Sa pagtatapos ng Summit, maraming katanungan ang naiwan. Kabilang dito ang numerong dapat ma­ging malinaw sa mamamayan: P22.9 bilyon. Dapat linawin na ito ang budget allocation para sa buong 2026 ASEAN chairship ng Pilipinas. Saklaw nito ang mga paghahanda, venue, seguridad at daan-daang pulong na isinagawa sa buong taon.

Hindi rin ibig sabihin na naubos na ang buong halaga. Patuloy pa ang final accounting at sinabi ng Malacañang na daraan ito sa COA audit. Kaya hindi patas na agad sabihing nasayang ang P22.9 ­bilyon. Pero dahil pera ito ng bayan, makatwiran ding itanong: ano ang konkretong naiwan pagkatapos ng summit?

May mga resulta. Natapos ang negotiations para sa Philippines-Canada free trade agreement, bagama’t kailangan pa itong pirmahan at ipatupad.

Nilagdaan din ang bagong defense cooperation arrangement ng Pilipinas at Australia.

Nilagdaan ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement, habang natapos din ang pagpirma sa enhanced memorandum para sa ASEAN Power Grid. Isinusulong din ang pagtatatag ng ASEAN Maritime Centre sa Pilipinas para sa maritime cooperation, information-sharing at capacity building.

Pero may hindi rin natapos. Hindi napirmahan ang matagal nang hinihintay na Code of Conduct (COC) sa South China Sea. Dekada na ang COC subalit hanggang ngayon ay hindi pa naisasapinal.

Hindi pa masiguro kung sa chairship ng Singapore sa susunod na taon ay malagdaan na ang COC. Mahirap asahan kaya maaring maantala na naman ito. Hanggang kailan ito hihintayin?

Hindi rin lahat ng memorandum, declaration o framework ay agad nagiging konkretong benepisyo. Ang tunay na halaga ng mga ito ay makikita lamang kapag naipatupad.

Kaya pagkatapos ng red carpet at photo opportunities, dalawang accounting ang kailangan ng publiko: saan talaga napunta ang pera, at alin sa mga ipinangakong kasunduan ang magkakaroon ng tunay na resulta.

Sa halagang halos P23 bilyon, hindi sapat ang maraming dokumentong napirmahan. Ang dapat bilangin ay kung ano ang talagang maipatutupad at mapapakinabangan ng mga Pilipino. Magdudulot ba ito ng pagbabago sa buhay nang nakararami? Maraming tanong na dapat sagutin.

ASEAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with