UNDAS handa na ang NAIA
Sa Undas, hindi lang mga puntod ang dinadagsa ng mga tao. Pati paliparan, dagsa rin ang mga pasaherong uuwi sa probinsiya para dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay. Pero sa rami ng biyaheng inaasahan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang tanong ng ordinaryong pasahero: handa nga ba talaga ang paliparan, o sa papel lang maganda ang plano?
Tinatayang aabot sa 1.25 milyon ang pasaherong daraan sa NAIA mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, mas mataas nang kaunti kaysa noong nakaraang taon. Pinakamabigat ang inaasahang dagsa sa Oktubre 30, kung kailan tinatayang 149,000 biyahero ang papasok at lalabas sa paliparan.
Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), nakahanda ang dagdag na tauhan, mahigpit na seguridad, tulong-medikal at 24-oras na command center para agad maresolba ang anumang aberya.
Maganda pakinggan. Pero ang tunay na sukatan ng paghahanda ay hindi rami ng tauhan o ganda ng anunsiyo. Ang mahalaga, hindi naghihintay nang parang sardinas ang pasahero, hindi nagkakagulo sa pila, hindi nangangapa kung saan pupunta, at hindi nagmamadaling humabol sa eroplanong baka maiwan pa dahil sa trapiko o sablay na sistema.
Hindi biro ang Undas para sa karaniwang Pilipino. Pinag-ipunan ang pamasahe, pinagplanuhan ang bakasyon, at may mga pamilyang minsan lang sa isang taon nagkikita-kita. Kaya bawat minutong nasasayang sa pila, bawat aberyang walang agarang paliwanag, at bawat pasaherong pinapasa-pasa sa kung sinong tauhan ay dagdag sa pagod at gastos ng mamamayan.
May mga bagong immigration e-gates na raw na kayang magproseso ng kuwalipikadong pasahero sa loob ng humigit-kumulang 20 segundo, bukod pa sa mga inayos na pasilidad. Sana, hindi lang ito pampaganda ng imahe. Dapat maramdaman ng tao ang tunay na pagbabago.
Paalala rin sa mga biyahero: dumating nang tatlong oras bago ang international flight at dalawang oras bago ang domestic flight. Suriin ang terminal, flight status at mga dokumento. Gumamit lamang ng awtorisadong transportasyon at umiwas sa mga manlolokong sumasalubong para maningil nang sobra.
Sa NNIC at mga ahensiya ng gobyerno, ito ang hamon: huwag hintaying mag-viral ang reklamo bago kumilos. Bantayan ang pila, trapiko, bagahe at seguridad. Kapag may aberya, magpaliwanag at umaksyon agad.
Ang paliparan ay hindi dapat maging dagdag na pasakit sa pasaherong pagod na sa buhay. Sa panahon ng Undas, ang pinakamagandang serbisyo ay hindi pangakong maganda sa press release, kundi serbisyong maayos, ligtas at ramdam ng bawat Pilipino.
- Latest















