Tres Queridas (39)
HABANG patuloy ang biyahe ng sasakyan sa baku-bakong kalsada ng Isla Balod, mas lalong lumalalim ang pagdududa sa isip ni Diana. Nakatitig siya sa likod ng ulo ni Jack, pinagmamasdan ang bawat galaw nito habang nagmamaneho. Hindi siya pwedeng magkamali, may maliit na bahagi ni Jack ay masyadong hawig kay Carlo. Dahil hindi niya mapalampas ang kanyang pagdududa, pilit na inayos ni Diana ang pagkakaupo at simpleng binasag ang katahimikan na namamayani sa sasakyan.
“Jack...” pambungad ni Diana, ginagawang katamtaman at tila simpleng kuwentuhan lang ang boses. “May girlfriend ka ba, o asawa?”
Napatingin si Jack sa rearview mirror. Bahagyang kumunot ang noo nito sa biglaang tanong, ngunit sumagot pa rin nang magalang. “Single po ako Ma’am. Masyadong abala sa trabaho.”
“Ah...” tango ni Diana, pilit na pinag-aaralan ang reaksyon ng lalaki. “Kailan ka pa ba nagsimulang maging private investigator?”
“Pagtapos ko pong mag-aral,” sagot ni Jack habang nakatutok ang mga mata sa madilim na kalsada. “BS Criminology ang course ko. Pagka-graduate ko, pumasok agad ako sa agency ni Tito Christopher. Kapatid siya ng tatay ko na may sariling private investigation agency. Pagkatapos ng ilang taon ko roon, nag-freelancer na po ako.”
“Sa kapatid ng tatay mo pala ‘yung unang agency na pinasukan mo...” mabilis na tanong ni Diana. “Ikaw ba, Jack? May kapatid ka ba?”
“Mag-isa lang akong anak.” Halos dumikit na ang mukha sa pagitan ng dalawang upuan sa harap. Hindi na niya napigilan ang tumatakbo sa kanyang utak. “Sigurado ka? Baka naman may... kapatid ka sa labas? ‘Yung hindi mo alam na baka ginawa ng tatay mo noong araw?”
Biglang tumahimik ang loob ng sasakyan. Nanigas si Jack sa pagmamaneho. Napatingin muli ito sa rearview mirror, kitang-kita ang matinding pagkagulat at pagkalito sa kanyang mukha. Mabilis na lumingon si Celeste sa likod, salubong ang mga kilay at bakas ang labis na pagkagulat sa sinabi ni Diana. “Diana! Ano bang tanong ‘yan? Ang weird lang!” saway ni Celeste.
Pagkaraan ng ilang minutong nakakabinging katahimikan, nakakita si Jack ng isang maliit at lumang gasolinahan sa gilid ng highway. “Magpapakarga lang po ako ng gasolina at titingnan ang gulong,” mahinang sabi ni Jack bago itinabi ang sasakyan.
Nang makalabas si Jack upang asikasuhin ang sasakyan, agad na hinarap ni Celeste si Diana.
“Bumaba muna tayo,” malamig na utos ni Celeste, bago binuksan ang pinto ng kotse. “Mag-usap tayong dalawa. Ngayon na.” (Itutuloy)
- Latest


















