Tres Queridas (24)
PAGOD na pagod na sumalampak si Diana sa sofa ng kanilang apartment. Halos mag-aalas tres na ng hapon nang makarating siya mula sa San Ildefonso.
Mula sa kusina, lumabas ang kanyang nakababatang kapatid na si Dani habang nagpupunas ng kamay. “Ate, nandiyan ka na pala. Nakatulog na ako sa pagbabantay kay Mateo kanina, buti na lang behave si totoy.”
“Salamat, Dani. Ako na ang bahala sa kanya, magpahinga ka na rin, may pasok ka pa bukas,” sagot ni Diana.
Nang makapasok si Dani sa kuwarto, umupo si Diana sa carpeted na sahig ng sala. Gumagapang palapit sa kanya ang anim na taong gulang na si Mateo, bitbit ang isang maliit na toy car. Niyakap ni Diana nang mahigpit ang anak, tila kumukuha ng lakas mula sa yakap nito.
“Ang bigat-bigat na ulit ng baby ko,” malambing na bulong ni Diana habang kinikiliti ang tiyan ni Mateo.
Humagikgik ang bata at inosenteng tumingala sa ina. “Sabi ni Daddy, ang buchok-buchok ko na raw ulit.”
Natigilan si Diana. Nanlamig ang kanyang mga kamay. Bago mawala si Carlo, matinding lagnat ang tumama kay Mateo kaya ito pumayat nang husto, isang bagay na labis na ipinag-alala ni Carlo. Ngayon lang ulit bumalik ang malusog na katawan ni Mateo.
“Ano’ng sabi mo, anak?” nanginginig na tanong ni Diana. “Kailan... kailan sinabi ni Daddy ‘yun?”
Itinuro ni Mateo ang pinto ng sala gamit ang kanyang maliit na daliri. “Kanina po. Nung tulog si Tita Dani.”
Parang binuhusan ng yelo si Diana. Mabilis siyang tumayo at nilapitan ang TV stand. Noong unang linggong nawala si Carlo at nagsimulang may magmanman sa bahay nila, palihim siyang nagkabit ng CCTV sa labas at ng mga maliliit na motion-sensor hidden camera sa loob ng bahay. Isa sa pinaglagyan niya ng hidden cam ay ang patungan ng TV.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone at pumasok sa app ng CCTV. Binalikan niya ang footage mula kaninang tanghali. Sa screen, malinaw na nakita niya ang pagbukas ng pinto ng sala. Pumasok ang isang lalaking nakaitim na jacket at cap. Nang makapasok ito, tinanggal ng lalaki ang sumbrero. Napasinghap si Diana at napatakip ng bibig. Si Carlo! Buhay na buhay!
Sa footage, makikitang lumuhod si Carlo, binuhat si Mateo, at matagal na hinalikan sa noo bago mabilis na lumabas ng bahay nang walang ingay. (Itutuloy)
- Latest















