^

Punto Mo

Nawawalang cellphone, namamalaging misteryo

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Sa panahon natin ngayon, nakakagimbal ang mawalan ng cellphone. Para bang gumuho ang iyong mundo. Mabuti sana kung alam at nakita mong ninakaw. Na-holdap ka at kabilang ang cellphone mo sa mga tinangay. Kahit paano, malinaw kung bakit ito nawala.

Pero maraming tao ang bigla na lamang nakapapansin na wala na ang kanilang mobile phone sa bulsa, bag, mesa, tabi o iba pang pinagpatungan. Maaaring nalaglag, naiwan sa isang lugar o sasakyan, o nakalimutan lamang kung saan inilagay.

Kaso nga lang, ninakaw man, naiwan o nalaglag ang cellphone, mas madalas na hindi na ito nababawi ng may-ari.

Bihira ang kuwento na matatawagan pa ng isang tao ang kaniyang nawawalang cellphone, sasagot ang nakapulot at magkakausap sila kung paano maibabalik ang telepono. Kaya nagiging malaking balita kapag may taong nakapulot ng cellphone at gumawa ng paraan upang mahanap ang may-ari.

Hindi rin naman masasabi na lahat ng nawawalang cellphone ay ibinebenta ng mga nakakuha nito. Walang datos tungkol dito. Posible ring inangkin na lamang ng nakapulot ang nakita niyang cellphone at ginamit ito. Kung gumagana pa ang telepono, maaaring palitan ang SIM card at gamitin. Lalo na kung hindi agad naipa-block ng may-ari ang nawawalang cellphone.

Pero kahit ma-block ang cellphone, hindi pa rin ibig sabihin na mababawi ito. Iyan ang masakit.

Maaaring hindi na kailanman malaman ng dating may-ari kung saan napunta ang kaniyang cellphone. Hindi niya malalaman kung napulot lamang ba ito ng isang tao, inangkin, ipinagbili o ipinasa sa iba.

Mapapalitan naman ang cellphone. Pagkaraan ng ilang buwan o taon, maaaring makalimutan na rin ito. Pero paminsan-minsan, maaaring sumagi pa rin sa isip ng dating may-ari kung nasaan na kaya ang cellphone kong iyon? At ano na kaya ang nangyari rito?

Iyan ang misteryo ng isang cellphone na bigla na lamang naglaho.

Kaya mahalaga rin ang pagpapatupad ng mga panuntunan sa bentahan at pagre-repair ng mga cellphone upang hindi maging madaling negosyo ang mga nawawala o ninanakaw na gadget. May mga umiiral nang tuntunin ang National Telecommunications Commission laban sa paghawak ng mga cellphone mula sa ilegal na pinagmulan at sa pagbabago ng kanilang IMEI.

Ngunit hindi lahat ng nawawalang cellphone ay ninakaw. May nalaglag,  naiwan, nakalimutan at may nakapulot.

At maaaring ang may-ari ay maghintay habambuhay nang hindi na malalaman kung saan napunta ang maliit na bagay na minsang laman ng kaniyang bulsa—at malaking bahagi ng kaniyang araw-araw na buhay.

•••••

Email- [email protected]

CELLPHONE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with