Paralisadong ina, muling nakalakad! (Part 2)
KASAYSAYAN ito ni Nohad El Chami, isang Lebanese mother na may 12 anak. Nagkaroon siya ng partial paralysis noong Enero 1993. Ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan ay labis na naapektuhan. Ayon sa mga doktor ni Nohad, masyadong kumitid o lumiit ang mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa utak nito. Operasyon umano ang kailangan para maisaayos ang kalagayan ng ina. Subalit masyadong seryoso ang kondisyon ng katawan ni Nohad at maaring hindi kayanin ang operasyon at maaring malagay sa panganib ang buhay.
Subalit hindi nawalan ng pag-asa ang pamilya ni Nohad. Ang kanyang mga anak ay naniniwalang gagaling ang kanilang ina sa awa ng Diyos. Ipinagdasal ng pamilya na tulungan sila ni St. Charbel Makhlouf, ang Lebanese maronite monk na nakalibing sa Monastery of St. Maron.
Ayon kay Nohad, isa sa kanyang mga anak na lalaki ang nakakuha ng langis at lupa mula sa libingan ni St. Charbel. At noong Enero 22, 1993, sinabi ni Nohad na dalawang Maronite monks ang nagpakita sa kanyang panaginip—sina St. Charbel at St. Maron.
Sa panaginip, malinaw na nakita ni Nohad na kinausap umano siya ni St. Charbel at sinabing ooperahan siya nito sa leeg. Katulong umano sa isasagawang operasyon si St. Maron.
Hanggang sa isagawa na umano ng mga ito ang pag-opera sa kanyang leeg. Ayon kay Nohad, masakit ang operasyon na naranasan niya sa panaginip.
Hanggang matapos na umano ang ginawang operasyon sa kanya.
Nang magising umano siya, ganun na lamang ang pagtataka ni Nohad: mayroon siyang sugat sa magkabilang gilid ng kanyang leeg!
Pero ang labis niyang ikinagulat, nawala ang kanyang pagkaparalisado.
Muli siyang nakalakad! (Itutuloy)
- Latest




















