Thanksgiving day, ibabalik sa ‘Pinas?
Kung sakaling matuloy ang mga panukalang muling magkaroon ng Thanksgiving Day sa Pilipinas, gagayahin ba natin ang mga Amerikano at Canadian?
Sa Amerika at Canada, karaniwang tampok sa hapag-kainan tuwing Thanksgiving ang inihaw na pabo o roasted turkey.
Hindi karaniwang pagkain ng mga Pilipino ang pabo. Sa ordinaryong palengke, bihira kang makakakita ng nagtitinda ng karne nito. May mga supermarket at specialty meat shops na nagbebenta nito, ngunit hindi ito karaniwang bahagi ng pang-araw-araw na pagkain.
May mga turkey farm at ilang Pilipino na nag-aalaga ng pabo sa kanilang bakuran sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pero maliit pa rin ang industriya kumpara sa manok, baboy at iba pang karaniwang kinakain ng mga Pilipino.
Kaya kung magiging taunang holiday muli ang Thanksgiving Day, baka magkaroon ng bagong industriya. Kapag lumaki ang demand, maaaring dumami ang mag-aalaga ng pabo at magkaroon ng mas maraming nagbebenta ng turkey meat.
Pero paano ito lulutuin? Tradisyunal na niluluto sa oven ang buong turkey sa Amerika at Canada. Sa Pilipinas, hindi lahat ng pamilya ay may oven na sapat ang laki para sa isang buong pabo. Sa maraming bahay, kalan ang pangunahing gamit sa pagluluto. Kaya baka sa oven pa lamang ay magkaroon na tayo ng problema.
Kung magkakaroon man muli nito, hindi kailangang turkey ang handa.
Noong panahon ng pamamahalang Amerikano, naging public holiday ito at ipinagdiriwang tuwing Nobyembre sa Pilipinas. Nagpatuloy ito noong Commonwealth at maging pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang araw ng pasasalamat sa Diyos.
Ngunit noong Martial Law, binago ang pagdiriwang. Noong 1973, itinakda ang Setyembre 21 bilang National Thanksgiving Day at iniugnay ito sa deklarasyon ng Martial Law at sa tinatawag na Bagong Lipunan. Pagkatapos ng EDSA Revolution, tuluyan itong inalis noong 1986.
Marami namang dapat ipagpasalamat ang mga Pilipino kahit wala tayong Thanksgiving Day. Sa dami ng problema sa buhay, may pamilya, kaibigan, kalusugan, trabaho at iba pang biyayang maaaring ipagpasalamat. Makakapagpasalamat kahit anong araw at kahit saan.
Pero kailangan ba talaga natin ng panibagong national holiday para rito? At kung magkakaroon man muli ng Thanksgiving Day, magiging kasinghalaga kaya ito ng Pasko at Bagong Taon?
At kung sakaling bumalik ang Thanksgiving Day, baka sumikat nga ang pabo. Pero baka hindi naman kailangang magkaroon ng turkey sa bawat hapag. Baka sapat nang magsama-sama ang pamilya, magpasalamat at kumain ng pagkaing kaya ng bulsa. Kahit hindi pabo ang handa.
•••••
Email – [email protected]
- Latest















