EDITORYAL - 2027 budget bantayan
Sa Agosto 14, 2026, isusumite na ng administrasyong Marcos sa Kongreso ang panukalang P7.2 trillion budget para sa 2027. Ito ay anim na porsiyentong mas mataas kumpara ngayong taon.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), susuriin nang mahigpit ang bawat panukala ng ahensiya, at meron pa raw bagong online platform, ang COMPASS, para masubaybayan ng bawat Pilipino kung saan napupunta ang pera ng bayan.
Magandang pakinggan. Pero bago maniwala nang tuluyan, tandaan muna natin ang kasaysayan ng badyet ng bansa.
Si Budget Secretary Kim de Leon ay pumalit sa dating Sec. Amenah Pangandaman noong Mayo, matapos maisangkot si Pangandaman sa alegasyong flood control scandal.
Ibig sabihin, ang ahensiyang nangangakong magbabantay ngayon ay may bagong pinuno dahil sa katiwalian ng dating pinuno nito. Kaya kapag sinabing “mas mahigpit na safeguards” ang dala ng DBM ngayon, dapat tanungin muna: sapat na ba ito para hindi na maulit ang nangyari?
Tama ang panawagan ni dating Sec. Gary Teves: bantayan ang mga karagdagang alokasyon sa badyet, at gamitin ni President Marcos ang kanyang veto laban sa mga kahina-hinalang gastos. Sapagkat kahit gaano pa kaganda ang COMPASS, walang silbi ito kung hahayaan pa ring may insertion tuwing bicameral conference, ang mismong yugto kung saan nagsimula ang malaking bahagi ng katiwalian noon.
Huwag hintayin ng taumbayan ang susunod na iskandalo bago magtanong. Bantayan ang deliberasyon sa Kongreso. Singilin ang mga mambabatas.
Gamitin ang COMPASS bilang tunay na kasangkapan ng pananagutan, hindi lamang pampaganda ng imahe. Pera ng bayan ang P7.2 trilyon, dapat patunayan ng gobyerno na mapakikinabangan ito.
- Latest



















