EDITORYAL - Disinformation campaign
NAG-ALOK ang bansang Lithuania sa Pilipinas na magbahagi ng kanilang karanasan at mga kasangkapan sa paglaban sa disinformation, cyber threats, propaganda, at iba pang hybrid threats. Ang Lithuania ay matagal nang humaharap sa foreign information operations at digital manipulation, nakapagtatag sila ng mga mekanismo sa kanilang pamahalaan na palakasin ang cybersecurity, at protektahan ang public information space. Isa na rito ang mabilis na pagtugon sa fake news, at paggamit ng digital tools para matukoy ang coordinated inauthentic behavior online.
Para sa Pilipinas na matagal nang binabaha ng fake news, mahalagang pagkakataon ito para matuto mula sa isang bansang aktibong humaharap sa parehong uri ng banta.
Pero may mas mabigat na tanong: paano lalabanan ng Pilipinas ang disinformation kung sa loob mismo ng ating pulitika ay nagagamit pa rin ang spliced videos at misleading content bilang sandata?
Hindi na simpleng away sa social media ang disinformation. Usapin na ito ng national security, eleksyon, public trust at kalidad ng demokrasya. Kapag nalason ang impormasyon, nalalason din ang desisyon ng publiko. Kapag paulit-ulit na pinapaniwala ang tao sa maling balita, humihina ang tiwala sa institusyon at batas.
Kaya mahalaga ang karanasan ng Lithuania. Ipinakita nito na hindi sapat ang isang ahensiya lang. Kailangan ng malinaw na whole-of-government approach, matibay na batas, at aktibong civil society na marunong mag-track, mag-debunk, at magpaliwanag.
Pero hindi kayang solusyunan ng foreign toolkit ang problemang pinapalala ng sariling political culture.
Makikita ito sa ethics complaint na inihain laban kay Sen. Pia Cayetano matapos umanong mai-post sa kanyang Facebook page ang spliced video ni Rep. Chel Diokno kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ayon sa report, binago ng putul-putol na video ang konteksto ng pahayag ni Diokno at pinalabas na tila umaamin ang prosekusyon na “nagbabakasakali” lang sila.
Kung ‘news vlogger’ ang nagbahagi nito, marami ang makakapanood at maniniwala agad dito. Pero kung senador at senator-judge ang sangkot, mas mabigat ang epekto. Ang isang opisyal ay hindi lang may karapatang magsalita; may tungkulin din siyang maging maingat, patas, at tapat sa konteksto. Dahil mas mataas ang puwesto, mas mabigat ang obligasyon sa katotohanan. Kung seryoso ang Pilipinas laban sa disinformation, simulan ito sa gobyerno, Senado, Kongreso, at mga opisyal na may platform.
- Latest


















