^

Punto Mo

Nasaan ang pera

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

MAHIGIT dalawang dekada na ang lumipas, ngunit hanggang ngayon ay may isang malaking tanong na patuloy na bumabagabag sa marami: Nasaan napunta ang bilyun-bilyong kinita mula sa mga dating kampo militar ng bansa?

Ito mismo ang gustong masagot ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., kaya mariin niyang isinusulong ang isang malalim na audit o masusing pagsusuri sa lahat ng kinita ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) mula sa paggamit at pagpapaunlad ng mga dating lupain ng militar.

Ayon kay Teodoro, sa loob ng 26 na taon, umabot lamang sa P45 bilyon ang naipadala ng BCDA sa pamahalaan. Para sa kanya, napakaliit nito kung ikukumpara sa laki ng mga lupang naibenta, napaunlad, at napagkakitaan sa paglipas ng maraming taon.

Kaya ang tanong ng marami ay simple pero mabigat.  Talaga bang iyon lang ang kinita? O may kuwentong hindi pa nalalaman ng taumbayan?

Hindi lingid sa batas na ang malaking bahagi ng netong kita ng BCDA ay dapat mapunta sa AFP Modernization Trust Fund, pondo na nakalaan upang palakasin ang kakayahan ng AFP. Dito dapat kinukuha ang pambili ng mga bagong barko, eroplano, radar, armas, kagamitan, at iba pang makabagong teknolohiya upang maprotektahan ang ating teritoryo at mga mamamayan.

Kung kulang ang pondong naipasa, sino ang nawalan? Hindi lamang ang militar ang apektado. Ang buong sambayanang Pilipino rin.

Habang patuloy na humaharap ang bansa sa iba’t ibang banta sa seguridad, bawat pisong dapat napupunta sa modernisasyon ay napakahalaga. Ang perang ito ay hindi para sa iilang opisyal o pribadong negosyo. Ito ay para sa pambansang depensa isang obligasyong hindi dapat binabalewala.

Ayon kay Teodoro, matagal na niyang hinihingi ang kumpletong accounting ng lahat ng kinita ng BCDA. Aniya, kung hindi ito kusang ibibigay, handa siyang gamitin ang lahat ng legal na paraan upang mailabas ang katotohanan.

Maging ilang miyembro ng AFP ay umano’y nananawagan na rin ng isang malawakang audit. Ibig sabihin, hindi lamang ito usapin ng pulitika. Isa itong usapin ng pananagutan at tamang paggamit ng salapi ng bayan.

Samantala, lalo pang umiinit ang usapin dahil sa planong pagtatayo ng Pax Silica AI Hub sa New Clark City. Bagama’t kinikilala ni Teodoro na maaaring magdala ito ng trabaho, puhunan, at bagong teknolohiya, iginiit niyang hindi dapat puro negosyo lamang ang pairalin.

May mas malaking isyu rito ang pambansang seguridad. Ang planong proyekto ay malapit sa mga aktibong kampo ng militar. Kapag usapin na ng artificial intelligence, data, at mga makabagong teknolohiya, hindi sapat ang pangakong kikita ang ekonomiya. Kailangang tiyakin na walang teknolohiyang maaaring magamit laban mismo sa interes ng Pilipinas.

Hindi lahat ng malaking proyekto ay awtomatikong magandang balita. May mga pagkakataong kailangang timbangin kung ang kapalit ng pamumuhunan ay maaaring maging panganib sa seguridad ng bansa.

Sa huli, ang panawagan ay hindi lang audit. Panawagan din ito ng transparency, accountability, at katapatan.  Dahil ang bawat lupang dating pag-aari ng militar ay pag-aari ng sambayanang Pilipino. At ang bawat pisong kinita rito ay hindi dapat mawala sa dilim ng mga ulat o sa likod ng mga opisina.  KAarapatan ng bawat Pilipino na malaman kung saan napunta ang perang dapat sana’y nagsisilbi sa pagtatanggol sa ating bayan.

BASES CONVERSION AND DEVELOPMENT AUTHORITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with