EDITORYAL — Hayaang managot ang mga may sala
UMINIT muli ang usapin ng corruption sa public funds nang tahasan at walang gatol na sabihin ni Sen. Panfilo Lacson na may mga kuwestiyunableng flood control projects sa Taguig. Ito umano ay may kaugnayan sa pondong ipinasok ni Sen. Alan Peter Cayetano sa 2025 national budget.
Kasabay nito, nagsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y funding anomalies sa 2019 Southeast Asian Games, kung saan naging chair ng organizing committee si Cayetano.
Dahil kasabay ito ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, hindi nakapagtatakang may nagtatanong: imbestigasyon ba ito o pressure tactic?
Dapat seryosohin ang tanong na ‘yan. Hindi dapat gamitin ang NBI, Ombudsman, Blue Ribbon Committee, o anumang ahensiya bilang panggipit sa mga senator-judge o sinumang opisyal. Kapag ang imbestigasyon ay nagmumukhang selective, nawawala ang tiwala ng publiko kahit may tunay na isyung dapat silipin.
Pero hindi rin sapat na depensa ang pagsasabing “timing” lang ang problema.
Kung may dokumento, audit finding, double appropriation, ghost project, kuwestiyonableng bidding, o pondong hindi malinaw ang pinuntahan, kailangang imbestigahan. Hindi puwedeng matabunan ng ingay sa pulitika ang tanong sa pera ng bayan. Hindi rin puwedeng sabihing luma na ang isyu kaya huwag nang ungkatin. Ang public funds ay hindi nawawalan ng halaga dahil lang lumipas ang taon.
Sa SEA Games, bilyun-bilyong piso ang pinag-usapan. Sa flood control, buhay at kabuhayan ang kapalit kapag palpak o peke ang proyekto. Kapag bumabagyo, hindi naman tinatanong ng tubig baha kung majority o minority ang nagpanukala ng budget. Ang tinatamaan ay ordinaryong mamamayan.
Kung may alegasyon laban sa minority, imbestigahan. Kung may alegasyon laban sa kaalyado ng administrasyon, imbestigahan din. Kung contractor, opisyal ng DPWH, local official, senador, o dating opisyal ang sangkot, pareho ang pamantayan. Walang dapat ligtas dahil malapit sa kapangyarihan. Wala ring dapat puntiryahin dahil kalaban sa pulitika.
Ang tunay na imbestigasyon ay hindi siraan, at hindi gantihan. Ito ay proseso ng paglabas ng dokumento, pagharap sa tanong, at pagpapatunay ng alegasyon.
Kung walang kasalanan, hayaang luminaw ang pangalan. Kung may pananagutan, hayaang managot. Sa pera ng bayan, walang timing na dapat maging dahilan para manahimik. Pero wala ring imbestigasyong dapat maging kasangkapan ng pananakot.
- Latest















