Ang tunay na SONA
SA Lunes ay ipapahayag ni Presidente BBM ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kung saan iuulat niya ang mga naisakatuparan sa nakaraang taon at ang mga plano pang isasakatuparan sa natitirang dalawang taon ng kanyang administrasyon.
Noong 2025 SONA, binigyang-diin ni BBM ang kaunlarang pang-ekonomiya, pagbuti ng serbisyo publiko, at paglaban sa katiwalian. Ngayong 2026 SONA, siguradong iuulat niya ang mga naging progreso tungkol dito. Pagkatapos ng SONA, tiyak na sasang-ayon ang mga kakampi at kokontra ang mga kalaban.
Tayong mga ordinaryong mamamayan, siguradong may magkakaiba tayong pananaw tungkol sa tunay na estado ng bansa. Pabuti ba nang pabuti ang ating kalagayan? O pasama nang pasama? Kung ang pag-uusapan ay tungkol sa uri ng liderato na mayroon tayo sa ngayon, isa lang ang masasabi ko, paurong tayo kaysa pasulong.
Wika ni John Maxwell, kinikilalang eksperto sa pamumuno, ‘‘Lahat ng bagay ay umuunlad at bumabagsak dahil sa liderato.’’ Ibig sabihin, kaya bagsak ang ating ekonomiya, serbisyo publiko, at iba pang larangan, ay dahil bagsak ang ating liderato. Unang-una na, wala tayong makuhang inspirasyon at mabuting halimbawa mula sa ating mga lider. Ang nagiging modelo natin ay ang ating mga atleta na nagtatagumpay sa kanilang pakikipaglaban, kaysa ating mga lider na namumuno sa gobyerno.
Magkaaway ang ating Presidente at Bise Presidente na kapwa binabato ng sari-saring alegasyon. Marami sa ating mga Senador, Kongresista, at iba pang lingkod-bayan ay sangkot sa katiwalian kung saan bilyung-bilyong piso ang ninanakaw sa kaban ng bayan. Obligado tayong tawagin sila sa publiko na mga kagalang-galang. Gaunman, ang respeto ay isang bagay na hindi maaaring ipilit, sapagkat ito’y pinagtatrabahuhan.
Ano ang malungkot na katotohanan? Ang tinatawag nating mga kagalang-galang ay kinakikitaan natin ng magaspang na pag-uugali. Ang tinagurian nating mga lingkod-bayan ay naghahari-harian. Tila wala nang bigat sa ating mga lider ang palabra de honor, amor propio, at delicadeza na naging tatak ng mga lider na nauna sa kanila. Ang ‘‘po’’ at ‘‘opo’’ ay napalitan ng pagmumura at bastos na mga kuwento sa publiko. Ang kahinahunan ay napalitan ng karahasan.
Mas malakas ang impluwensya ngayon ng mali kaysa tama. Mas mabilis paniwalaan ngayon ang kasinungalingan kaysa katotohanan. Kahit walang ginagawa ang isang lider at balot sa kontrobersya ang pagkatao, lagi pa ring nangunguna sa mga sarbey. Mas hinahangaan ngayon ang mga bayolenteng lider kaysa mga mahinahon.
Ito ang tunay na estado ng ating bansa. Higit na malala ang pagbagsak ng ating moralidad kaysa pagbagsak ng ating ekonomiya. Ang apektado ng bagsak na ekonomiya ay ang ating sikmura. Ang apektado ng bagsak na moralidad ay ang ating kaluluwa. Panipis nang panipis ang hibla ng ating konsensya bilang isang bansa. Malapit na itong mapunit.
Kapag hindi tayo natuto at patuloy na magluluklok sa kapangyarihan ng mga lider na hindi karapat-dapat, tayo’y magiging isang bansang walang kaluluwa.
Anumang pinahihintulutan natin sa kasalukuyan ay yayakapin ng susunod na henerasyon. Kapag hindi natin tinutulan ngayon ang katiwalian, ito na ang magiging kalakaran sa habang panahon. Kapag hindi natin nilabanan ngayon ang kasinungalingan, mananatiling nakatago ang katotohanan. Kapag hindi natin pinalagan ngayon ang kawalang-katarungan, mananatiling alipin ang hustisya.
Ang tunay nating SONA ay hindi dapat pinapalakpakan!
- Latest















