Babae, pinainom ng diet softdrinks para matunaw ang malaking bara sa sikmura!
ISANG 63-anyos na babae sa Massachusetts, USA ang matagumpay na nagamot ang malaking bara sa sikmura matapos painumin ng 1.5 litro ng diet softdrinks kada araw upang matunaw ang malaking namuong pagkain sa kanyang sikmura.
Ayon sa ulat ng mga doktor na inilathala sa New England Journal of Medicine, isang buwan nang nakararanas ang pasyente nang mahapding pananakit sa itaas na bahagi ng tiyan at kanang bahagi ng katawan. Lalo pang lumala ang kondisyon nito kahit uminom siya ng mga gamot para sa acid reflux.
Nang sumailalim ang babae sa endoscopy, kung saan natuklasan ang isang malaking gastric bezoar, isang matigas na bukol na nabubuo mula sa mga pagkaing hindi natunaw nang maayos.
May type 2 diabetes at obesity ang pasyente at gumagamit siya ng semaglutide, isang gamot na kabilang sa GLP-1 receptor agonists. Bagama’t nakatutulong ito sa pagpapababa ng timbang, maaari rin nitong pabagalin ang paglabas ng pagkain mula sa sikmura, dahilan upang maipon ang hindi natunaw na pagkain.
Agad na itinigil ng mga doktor ang kanyang gamot at pinainom siya ng diet softdrinks. Karaniwang inirerekomenda ang hanggang tatlong litro ng diet softdrinks sa loob ng 12 oras, ngunit binawasan ito dahil hindi mahilig ang pasyente sa carbonated drinks.
Sa ikalawang araw ng paggamot, nakakamtam umano ang babae ng tila vacuum sa loob ng tiyan bago tuluyang mawala ang kanyang pagduduwal at pananakit. Sa isinagawang follow-up endoscopy, nakumpirmang ganap nang natunaw ang bezoar.
Hindi pa lubos na matukoy kung ang acidity, carbonation, o ibang sangkap ng softdrinks ang responsable sa pagtunaw nito. Nagbabala naman ang mga doktor na ang ganitong paggamot ay dapat isagawa lamang sa ilalim ng pangangasiwa ng medical professionals.
- Latest















