Kasunduan ukol sa hindi pagbabayad ng minimum wage
Dear Attorney,
May empleyado po na noong bago siya ma-hire ay pinaliwanagan na below minimum wage ang kanyang magiging sahod. Pumayag naman po siya noon. Ngayon pong higit isang taon na siya sa trabaho ay nagsabi siya na sana ay ipantay ang sahod niya sa bagong minimum wage rito sa Metro Manila. Puwede po bang ireklamo ang kompanya kahit sinabihan naman ang empleyado na below minimum ang ipapa-suweldo sa kanya? — Mikee
Dear Mikee,
Kung hindi naman kabilang ang kompanya n’yo sa mga establishment na exempted sa pagpapasahod ng minimum wage (katulad ng barangay micro business establishment o ‘yung mga negosyong hindi hihigit sa sampu ang empleyado) ay walang dahilan para hindi kayo magpasahod ng naaayon sa itinakdang minimum wage para sa inyong lugar. Kahit nga exempted ang kompanya n’yo ay kailangan n’yo pa rin kumuha ng formal na exemption mula sa mga kinauukulan para kayo ay makapagpasahod ng mas mababa sa minimum wage.
Hindi rin puwedeng idahilan ng kompanya na sinabihan naman ang empleyado na hindi siya papasahurin ng minimum wage, kahit pa hindi naman siya nagreklamo noong ipinaalam ito sa kanya. Kung puwede pala ang ganyan ay para na ring sinabi na puwede palang lumabag sa batas ang employer basta’t magpapaalam ito sa empleyado.
Malinaw rin sa Article 1306 ng Civil Code na malayang maglagay ng kung ano mang stipulation o kondisyon ang mga partido sa isang kontrata basta hindi ito taliwas sa batas, sa moralidad, sa mga magandang nakaugalian, at sa pampublikong kaayusan at patakaran. Saklaw ng Article 1306 pati ang mga employment contracts at iba pang mga kasunduan sa pagitan ng employers at employees.
Ibig sabihin, walang epekto ang pagpapalaam ng kompanya sa empleyado ukol sa pagpapasahod sa kanya ng mas mababa sa minimum wage dahil hindi naman maaring isailalim ang bagay na iyan sa isang kasunduan na hindi alinsunod sa batas.
Kaya posible talagang maharap sa reklamo at mapanagot ang kompanya n’yo kahit pa sabihing pumayag naman ang empleyado noong una sa pagpapasahod sa kanya ng mas mababa sa nakatakdang minimum wage.
- Latest

















