Sine, pampabata?
May isa pang dahilan para manood ng pelikula sa sinehan bukod sa pampaaliw at libangan. Ayon sa isang bagong pag-aaral, maaari itong makatulong upang mas mabagal ang pagtanda ng katawan. Ganito rin ang posibleng benepisyo ng pagpunta sa mga museo, konsiyerto at iba pang gawaing pangkultura.
Ito ang lumabas sa pagsusuri ng mga mananaliksik mula sa Institute of Science Tokyo sa Japan. Sinuri nila ang mga datos mula sa English Longitudinal Study of Ageing (ELSA). Ang resulta ay inilathala sa Journal of Epidemiology and Community Health at nagdagdag sa lumalaking ebidensiyang nagsasabing ang aktibong pakikilahok sa mga gawaing pangkultura ay may kaugnayan sa mas malusog na pagtanda.
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga taong regular na nanonood ng sine, bumibisita sa museo o dumadalo sa mga konsiyerto at pagtatanghal ay karaniwang may mas mababang biological age o edad biyolohikal kaysa sa kanilang tunay na edad. Sa madaling salita, ang kondisyon ng kanilang katawan ay mistulang mas bata nang humigit-kumulang tatlong taon kumpara sa mga taong bihirang lumahok sa ganitong mga gawain.
Hindi nangangahulugan na ang panonood ng sine ay parang eliksir na agad nagpapabata. Hindi rin nito pinapalitan ang regular na ehersisyo, tamang pagkain at sapat na tulog. Gayunman, ipinapalagay ng mga eksperto na ang mga gawaing ito ay nakatutulong sa pagpapababa ng stress, pagpapasigla ng isip, pagpapalawak ng ugnayan sa ibang tao at pagpapanatiling aktibo ng utak. Ang mga ito ay pawang mahalagang sangkap ng malusog na pagtanda.
Hindi pa rin tiyak kung ang mga gawaing pangkultura mismo ang sanhi ng mas batang edad biyolohikal o sadyang mas aktibo at mas malusog na ang mga taong mahilig sa mga ito. Kaya kailangan pa ng mas maraming pag-aaral upang mapatunayan ang direktang kaugnayan.
Mahirap sabihing sapat na itong dahilan upang bumalik ang mga tao sa mga sinehan. Sa nagdaang mga taon at dekada, patuloy na nababawasan ang mga nanonood ng pelikula sa mga sinehan. Isa sa mga dahilan ay ang mabilis na paglaganap ng mga streaming service tulad ng Netflix, Disney+, Max, Amazon Prime Video at iba pa.
Sa Pilipinas, lalo pang pinahihina ng mataas na presyo ng tiket ang panonood sa sinehan. Sa bahay ay maaari nang manood ng maraming pelikula at serye gamit lamang ang internet, smart TV, computer, tablet o smartphone.
Hindi na kailangang makipagsiksikan sa trapiko, pumila sa ticket booth o magmadali upang hindi maabutan ng umpisa ng palabas. Maaari pang ihinto ang pelikula anumang oras kung may kailangang gawin—isang bagay na hindi puwedeng gawin sa loob ng sinehan.
Ang dating “bonding” ng pamilya, magkakaibigan, magkasintahan o mag-asawa na karaniwang ginagawa sa sinehan ay maaari na ring mangyari sa sala ng bahay habang sabay-sabay na nanonood sa streaming service.
Gayunman, kung tama ang ipinahihiwatig ng bagong pag-aaral, baka ang ilang oras na ginugugol natin sa sinehan ay hindi lamang nagbibigay ng aliw. Maaaring maliit din itong ambag sa pagpapanatiling mas bata ang ating katawan at isipan.
• • •
Email- [email protected]
- Latest



















