Bata’t kabataan, pinakamalaki nating yaman
SUNUD-SUNOD ang mga karahasang nagaganap sa loob ng mga eskwelahan na ang sangkot ay mga estudyanteng menor de edad, mula kinse anyos pababa. Dati, ang eskwelahan ang itinuturing na pinakaligtas na lugar para sa mga bata at kabataan. Mukhang hindi na yata ngayon!
Sinisisi ng marami ang social media, lalo na ang impluwensya ng mararahas na video games, sa pag-usbong ng bayolenteng pag-uugali ng mga bata’t kabataan ng ating panahon. Malaki ang naiaambag ng makabagong teknolohiya sa kaunlaran, pero napakalaki rin ng kontribusyon nito sa pangingibabaw ng indibidwalismo, pagkamakasarili, kawalan ng malasakit sa kapwa, pagkapunit ng hibla ng moralidad, at paglayo sa Diyos. Mayroon pang iba na ang sinisisi ay ang nakaraang matataas na lider na ang marahas na pamamahala ay inidolo ng mga bata’t kabataan.
Noong araw, pinupuri ang mga bata dahil sa pagiging inosente at pagkakaroon ng dalisay na puso’t isip. Ngayon, katorse anyos pa lamang ay marunong nang magplano ng krimen. Noon, nakatutuwang pagmasdan ang mga batang sama-samang naglalaro, doon nadedebelop ang kanilang karakter at kakayahang makitungo sa kapwa. Ngayon, ang mga bata’y nakikipaglaro sa kanilang sarili, sa pamamagitan ng mga gadgets, doon lumalalim ang kanilang pagkamakasarili at pagnanais na laging manalo sa anumang laban sa anumang pamamaraan. Noon, hinahangaan natin ang mga bata na may paggalang sa mga nakatatanda. Ngayon, pinapalakpakan natin ang mga batang hindi patatalo sa pakikipagdebate sa mga nakatatanda. Noon, masaya ang mga bata na sumimba. Ngayon, kailangang pilitin pa.
Sino ba ang dapat sisihin? Ang social media ba? Ang matataas na opisyales ba na hindi nakapagpakita ng magandang modelo? Para sa akin, ang unang dapat sisihin ay ang mga magulang. Sila ang may pangunahing pananagutan sa kanilang mga anak. Sa mga magulang natututuhan ng mga bata ang pag-uugali. Bawat bata’y nilikhang mabuti ng Diyos. Ngunit bawat mabuting bata’y maaaring maging masama dahil sa halimbawa’t kapabayaan ng magulang. Kung ang magulang ay nagmumura, magmumura rin ang anak. Kung ang magulang ay bayolente, magiging bayolente rin ang anak. Kung ang magulang ay tiwali, magiging tiwali rin ang anak. Like father like son, wika nga sa Ingles.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang pamilya ang may pangunahing pananagutan sa pag-aaruga at pagpapalaki sa mga bata. Mananagot sa batas ang mga magulang na dahil sa pagpapabaya ay napahamak ang mga anak.
Lalo namang malaki ang pananagutan sa Diyos ng mga magulang, at sinuman, na naging dahilan ng kapahamakan ng mga bata. Ganito ang sinabi ni Hesus sa Marcos 9:42, Mabuti pa sa isang tao ang siya’y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bao at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliit na ito...? Samakatuwid, sa Diyos, kamatayan ang parusa sa sinumang magiging dahilan ng kapahamakan ng isang bata.
Ang mga bata’t kabataan ang pag-asa ng ating bansa. Magiging matatag lamang ang ating bansa kung mapapalaki ang mga bata at kabataan na may wastong pagpapahalaga sa Diyos, sarili, kapwa, at kalikasan, sa pangunguna ng mga magulang, sa tulong at suporta ng gobyerno, eskwelahan, simbahan at media. Sila ang pinakamalaking yaman ng ating bansa! Huwag nating sayangin!
- Latest




















