Himala: Kapatid gumaling sa sakit! (Part 2)
MABAIT naman ang may-ari ng restaurant na napasukan ko bilang tindera. Bukod sa libre ang pagkain ko sa almusal, tanghalian at hapunan, maari kong iuwi ang pagkain na hindi ko naubos. Kaya may pagkain na kami ng kapatid kong si Victor. Hindi na naming kailangang magluto pa. Malaking tulong sa aming magkapatid.
“Mabuti at pumayag na maiuwi mo ang pagkain, Ate Cora?”
“Oo. Ikinuwento ko kasi sa may-ari na dalawa na lamang tayong magkapatid. Isa pa, sabi ng may-ari, kaysa raw mapanis lamang ang pagkain e iuwi ko na.”
“Napakabait nila ano Ate?”
“Oo. Kaya nga bukod sa pagtitinda, tumutulong na rin ako sa paghuhugas ng pinggan. Siguro’y dahil dun kaya natutuwa sa akin ang may-ari. Sabi pa nga sa akin, kapag daw gumanda ang negosyo, dadagdagan ang suweldo ko.”
“Sana lumakas pa ang restaurant Ate.”
“Ipinagdarasal ko nga. Pawang students ng UST ang kumakain. Masarap kasi at mura ang ulam.”
“Magdarasal din ako na lumakas pa ang restaurant Ate.”
ISANG umaga, papasok na ako sa trabaho nang mapansin kong hindi pa bumabangon si Victor. Sinilip ko sa kuwarto niya.
“Victor bangon na. Mag-aalas sais na.”
Bahagyang nagsalita si Victor.
“M-masama ang katawan ko Ate. Nahihirapan akong huminga.” (Itutuloy)
- Latest




















