Himala: Kapatid gumaling sa sakit! (Part 1)
Dalawa kaming magkapatid. Ako ang panganay. Ulila na kami. Magkasunod na namatay ang aming mga magulang noong nasa fourth year high school ako at nasa elementarya naman ang kapatid kong si Victor. Unang namatay si Itay sa sakit na pneumonia at makaraan ang isang taon, ay si Inay naman dahil sa kumplikasyon sa diabetes.
Sa akin naatang ang responsibilidad. Ipinasya kong maghanap ng trabaho para mabuhay kaming magkapatid. Nangungupahan kami sa maliit na kuwarto sa Antipolo St. sa tabi ng riles ng tren.
“Magpapatuloy ka sa pag-aaral, Victor,” sabi ko sa aking kapatid.
“E kung tumigil na lamang kaya ako para maghanapbuhay din, Ate Cora?”
“Hindi. Ako ang maghahanapbuhay. Magpatuloy ka sa pag-aaral.”
“Sige Ate.”
“Kailangang makatapos ka.”
“Ano ang papasukan mo Ate?”
“Puwede akong pumasok na tindera o kaya dishwasher sa restaurant.”
“Hayaan mo Ate at kapag nakatapos ako e ako na lamang ang magtatrabaho.”
Napatango na lamang ako sa sinabi ni Victor. Alam kong naaawa siya sa akin.
Nakapasok akong tindera sa isang maliit na restaurant sa tapat ng UST. Libre pagkain.
(Itutuloy)
- Latest
















