Imago (27)
DAHAN-DAHANG itinulak ni Maya ang pinto. Isang mahaba at matinis na langitngit ng makapal na bakal ang bumasag sa katahimikan. Humakbang siya papasok, at agad siyang binalot ng isang madilim, malamig, at tila walang hanggang espasyo. Walang kahit anong sinag ng liwanag mula sa itaas ang nakaabot sa silid na ito.
Sa paggalaw ng pinto, ang hirap at nagmamakaawang paghinga na narinig niya kanina ay biglang naputol. Tumigil ito. Ang katahimikan ay naging mas matalim. Alam ng kung sinumang nasa loob na may kasama na siya.
Ibinaba ni Maya ang kanyang bag sa sahig upang hindi ito lumikha ng ingay. Iniunat niya ang dalawang kamay sa hangin, nangangapa sa kawalan habang ang kaniyang mga paa ay dahan-dahang sumasayad sa magaspang na semento. Paglampas ng tatlong hakbang, tumama ang kanyang mga daliri sa isang malamig na bakal, isang silya. Pababa ang kanyang haplos, hanggang sa maramdaman niya ang magaspang na tela ng isang jacket. Isang katawan ng tao.
Bago pa man niya madukot ang maliit na flashlight sa kaniyang bulsa upang tingnan kung sino ito, isang marahas na hangin ang dumaan sa kanyang likod.
Isang malamig at malaking palad ang mabilis na sumakmal sa kanyang mukha, mahigpit na nagtakip sa kanyang bibig upang pigilan ang kaniyang pagsigaw. Bago pa man siya makapanlaban, isang mababang boses ang bumulong sa mismong tainga niya sa gitna ng kadiliman.
“Huwag kang lilikha ng tunog kung gusto mo pang mabuhay.” (Itutuloy)
- Latest

















